Diskurso PH
Translate the website into your language:

257 dapat, pero 37 lang ang umaandar — irigasyon crisis binunyag sa Senado

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-20 17:15:58 257 dapat, pero 37 lang ang umaandar — irigasyon crisis binunyag sa Senado

Nobyembre 20, 2025 - Ibinunyag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na 37 lamang sa kabuuang 257 national irrigation systems (NIS) sa bansa ang ganap na gumagana, batay sa datos ng National Irrigation Administration (NIA). Inilahad niya ito sa deliberasyon ng panukalang ₱54.79-bilyong budget ng NIA para sa taong 2026.

“Kung walang tubig, walang tutubo,” giit ni Pangilinan habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng irigasyon sa sektor ng agrikultura. 

Ayon sa senador, ang irigasyon ang “pinakamabisang climate adaptation tool” ng bansa, lalo na sa harap ng tagtuyot, pabago-bagong ulan, at matinding kalamidad.

Binatikos ni Pangilinan ang mababang bilang ng gumaganang NIS at hinimok ang Senado na busisiin ang performance ng NIA. Aniya, kailangang tiyakin na epektibong nagagamit ang pondo upang mapalawak ang saklaw ng irigasyon sa mga sakahan.

Ipinunto rin ng senador ang tagumpay ng solar-powered irrigation project sa Bula, Camarines Sur, kung saan 900 solar panels ang nagbibigay ng 670 kVA na kuryente para sa patubig ng 551 ektaryang sakahan. Tinukoy niya ito bilang modelo ng makabago at sustenableng irigasyon.

Inilaan sa panukalang budget ang pondo para sa konstruksyon, rehabilitasyon, at pagpapalawak ng mga national at communal irrigation systems, gayundin sa mga pump irrigation projects at multipurpose infrastructure.

Nanawagan si Pangilinan sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang mga hakbang upang mapabuti ang irigasyon sa bansa. “Kapag may tubig sa sakahan, bababa ang presyo ng pagkain at gaganda ang kita ng mga magsasaka,” dagdag niya.