Diskurso PH
Translate the website into your language:

Anti-corruption rally ng Simbahang Katolika, gaganapin sa Nob. 23 sa Edsa Shrine

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-20 12:31:10 Anti-corruption rally ng Simbahang Katolika, gaganapin sa Nob. 23 sa Edsa Shrine

NOBYEMBRE 20, 2025 — Sa darating na Nobyembre 23, pangungunahan ng Simbahang Katolika ang isang malaking pagtitipon sa EDSA Shrine bilang bahagi ng ika-100 anibersaryo ng kapistahan ni Kristong Hari. Hindi lamang ito liturhikal na pagdiriwang, kundi isang panawagan laban sa malalim na sugat ng korapsyon sa bansa.

Magsisimula ang programa sa isang maikling prusisyon alas-dos ng hapon, kasunod ang Misa na pamumunuan ni Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Inatasan din ang iba’t ibang diocese na magsagawa ng kaparehong aktibidad upang palakasin ang mensahe ng pagkilos.

“Hindi po ito simpleng pagdiriwang – kontekstuwal, situational, real,” pahayag ni Fr. Robert Reyes ng Clergy for Good Governance. 

Ang naturang mobilisasyon ay magsisilbing panimula sa mas malaking pagtitipon sa Nobyembre 30, ang tinaguriang Trillion Peso March Movement sa People Power Monument. Ayon kay Akbayan party-list President Rafaela David, mahigit 200 organisasyon na ang nakapirma para lumahok, at target ng mga tagapagtaguyod na makapuno ng kalahating milyong katao sa EDSA.

“End corruption, end political dynasties. Kita po natin na ang ugat ng korapsyon ay ang pulitika ay nasa kamay ng iilang political families. At nakakalungkot kasi ’yong ating government ay nagiging platform for their political drama. Tama na po. Hindi po ito nakakatuwa. Hindi po teleserye ang public service,” ani David. 

Sa panig ng Simbahan, mariing iginiit ni Cardinal David na ang pagkilos ng mamamayan ay mahalaga upang labanan ang “kanser ng korapsyon.” 

“Ang ating mga pagkilos ngayon ay para ba gang antibodies, kailangang kumilos para mapalakas ang resistensya ng bansa sa kanser ng korapsyon,” aniya. 

Kasabay nito, nagbabala ang mga lider ng Simbahan laban sa paggamit ng isyu para sa pansariling interes. 

“Some want to twist our anger into chaos. We won’t let them. No extra-constitutional means, no to a revolutionary government, no to a military junta, no to selective justice. Yes to prosecuting all the guilty forthwith. We choose truth over spectacle, institutions over personalities,” ayon kay Msgr. Manny Gabriel. 



(Larawan: EDSA Shrine - National Shrine of Mary, Queen Of Peace, Our Lady of EDSA | Facebook)