3 luxury cars ng Discaya couple binili ng cash sa BOC auction — ₱38M agad pasok sa gobyerno
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-20 13:04:27
Nobyembre 20, 2025 — Tatlo sa pitong nakumpiskang luxury vehicles ng kontrobersyal na contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya ang matagumpay na naibenta sa isinagawang public auction ng Bureau of Customs (BOC) ngayong Nobyembre 20 sa South Harbor, Port Area, Manila.
Ayon sa BOC, ang winning bidder ay nagbayad ng cash para sa mga sasakyan, at ang malilikom na pondo ay ituturn over sa kaukulang ahensya upang magamit sa mga programa ng pamahalaan para sa mamamayan.
Mga Naibentang Sasakyan at Halaga
- Mercedes-Benz G500 (2019) Brabus – ₱15.5 milyon
- Mercedes-Benz G63 AMG (2022) – ₱15.61 milyon
- Lincoln Navigator (2022) – ₱7.1 milyon
Kabuuang nalikom: ₱38,211,710.00
Ang dalawang Mercedes-Benz ay binili ng Simplex Industrial Corp., habang ang Lincoln Navigator ay nakuha ng Lestrell Jewelries. Ang auction ay isinagawa alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), partikular sa mga probisyong tumutukoy sa forfeiture at public bidding ng mga ilegal na inangkat na ari-arian.
Mga Sasakyang Hindi Naibenta
- Toyota Tundra (2022)
- Toyota Sequoia (2023)
- Bentley Bentayga (2022)
- Rolls Royce Cullinan (2023)
Ang apat na sasakyang ito ay walang nakuhang bidder sa kabila ng public viewing mula Nobyembre 12–14. Inaasahan sana ng BOC na makalikom ng mahigit ₱103 milyon kung lahat ng sasakyan ay naibenta.
Ang mga sasakyan ay isinailalim sa voluntary forfeiture ng Pamilya Discaya matapos matuklasang walang import entry records at certificates of payment. Kaugnay ito ng mas malawak na imbestigasyon sa umano’y flood control fund corruption scandal kung saan sangkot ang mag-asawa.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, “Auctioning the corruption-tainted vehicles sends a clear message that the government intends to hold accountable those who have committed crimes.” Dagdag pa niya, mas mahalaga ang transparency at restitution kaysa sa mismong halaga ng nalikom na pondo.
Ang mga hindi naibentang sasakyan ay posibleng isailalim muli sa panibagong auction sa mga susunod na linggo. Patuloy ang BOC sa pagpapatupad ng mga batas upang mabawi ang kita ng pamahalaan mula sa mga ilegal na transaksyon.
Larawan mula Bureau of Customs (BOC)
