Leviste, ibinulgar ang pag-‘pre-order’ ng DPWH projects; Gardiola, idinadawit — mas malala pa umano sa mga Discaya!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-20 14:27:03
NOBYEMBRE 20, 2025 — Naglabas ng mabibigat na akusasyon si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste laban sa umano’y sistematikong “pre-ordering” ng mga kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na aniya’y nagbigay ng bilyun-bilyong proyekto sa mga kumpanyang konektado kay Construction Workers Solidarity (CWS) Party-list Rep. Edwin Gardiola.
Sa isang press conference sa Kamara, ipinakita ni Leviste ang dokumentong mula sa tanggapan ng dating DPWH undersecretary Catalina Cabral na may petsang Agosto 30, 2024. Nakalista rito ang mga proyektong kalaunan ay napunta sa mga kompanyang may kaugnayan kay Gardiola, bago pa man tuluyang maaprubahan ang 2025 National Expenditure Program (NEP).
“What I can say is that the fact that these projects were grouped together in a list as of Aug. 30, 2024, and a year later ended up being awarded to Congressman Gardiola-linked companies I think provides strong evidence saying that ginagawa ang budget pa lang, the likes of Congressman Gardiola have been able to pre-order projects,” ani Leviste.
(Ang masasabi ko ay ang katotohanang ang mga proyektong ito ay pinagsama-sama sa isang listahan noong Agosto 30, 2024, at makalipas ang isang taon ay napunta sa mga kumpanyang konektado kay Congressman Gardiola, ay malakas na ebidensiya na habang ginagawa pa lang ang budget, nakakapag-pre-order na ng proyekto ang gaya ni Congressman Gardiola.)
Ayon kay Leviste, higit ₱20 bilyon ang na-“pre-order” ni Gardiola mula sa DPWH, kahit hindi pa tapos ang deliberasyon sa General Appropriations Bill (GAB). Binanggit din niya na ang NEP ay inihahanda ng DPWH, hindi ng Kongreso.
Kasama sa listahan ang ₱514.25 milyon para sa mga kalsada sa Tuy, Batangas na napunta sa Readycon Trading and Construction Corporation, at ₱280 milyon para sa kalsada sa Calatagan na ibinigay sa S-Ang Construction & General Trading, Inc. — na pag-aari ng pamilya ni Gardiola. Bagama’t hindi konektado ang Readycon, iginiit ni Leviste na ang proyekto ay iminungkahi at ipinatupad para kay Gardiola.
Batay sa kanyang pananaliksik, higit ₱100 bilyon na ang nakuha ng mga kumpanyang may kaugnayan kay Gardiola mula sa DPWH.
Tinukoy din ni Leviste na maaaring magbigay-linaw sina dating DPWH Secretary Manny Bonoan at Undersecretary Cabral kung bakit ang listahan noong Agosto 2024 ay tumugma sa mga proyektong napunta sa mga kumpanyang konektado kay Gardiola.
Si Bonoan ay sinibak ni Pangulong Marcos noong Setyembre 2 dahil sa eskandalong kaugnay ng flood control projects.
Samantala, sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hirap silang makakuha ng malayang access sa mga opisina at computer ng DPWH, dahilan upang mahirapan silang iugnay ang mga proponent sa mga kontratista.
Ayon kay Leviste, sinabi ni ICI member Rogelio “Babes” Singson na si Gardiola ang pangalawang pinakamalaking kontratista ng DPWH, kasunod ni Zaldy Co at mas mataas kaysa sa pamilya Discaya. Dahil sa pagbibitiw ni Co bilang Ako Bicol Party-list representative noong Setyembre 29, si Gardiola na ang naging pinakamalaking kontratista ng DPWH sa Kongreso.
(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)
