Diskurso PH
Translate the website into your language:

7 luxury cars na walang rehistro, nasabat sa Bulacan; mga drayber, arestado

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-20 20:00:56 7 luxury cars na walang rehistro, nasabat sa Bulacan; mga drayber, arestado

NOBYEMBRE 20, 2025 — Sa isang operasyon ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Land Transportation Office (LTO), pitong mamahaling sasakyan ang nasabat sa Marilao, Bulacan matapos maaktuhang gumagamit ng pekeng plaka at hindi nakarehistro.

Ayon kay HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, nakatanggap sila ng tip mula sa isang nagmamalasakit na mamamayan na nakapansin ng mga sasakyan sa isang gasolinahan sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEx). 

“This concerned citizen of ours thought it was very unusual for there to be seven luxury cars in one area at that gas station. They were there for almost one to two hours. If they were just getting gas, they would’ve only been there for almost 30 minutes,” aniya.

(Itinuring ng ating kababayan na kahina-hinala ang presensya ng pitong luxury cars sa gasolinahan. Nandoon sila nang halos isa hanggang dalawang oras, samantalang kung magpapakarga lang ng gasolina ay tatagal lamang ng halos 30 minuto.)

Sa beripikasyon ng mga operatiba, lumabas na lahat ng sasakyan ay may improvised plates at hindi nakarehistro. Kabilang sa mga nakumpiska ang Ferrari, Toyota Supra, BMW M2 Coupé, Toyota Land Cruiser, dalawang Nissan GTR, at isang Maserati.

Agad ding inaresto ang pitong driver na pawang tinukoy ni Malang bilang mga “businessmen” (mga negosyante). Sila ay kakasuhan sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code, partikular sa reckless driving dahil sa paggamit ng hindi rehistradong sasakyan.

Ang mga sasakyan ay dinala sa central office ng LTO sa Quezon City para sa karagdagang imbestigasyon. Hindi pa malinaw kung bakit nagtipon ang mga driver sa naturang gasolinahan.

Dagdag pa ni Malang, iniimbestigahan ng HPG kung may kaugnayan ang mga nasabat na sasakyan sa mga luxury cars na iniuugnay sa contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya, bagama’t wala pang direktang ebidensya.

Nauna nang nakahuli ang mga awtoridad ng isang Lamborghini Huracan sa Muntinlupa–Cavite Expressway (MCX) dahil sa kawalan ng front plate, na kalauna’y natuklasang hindi rin rehistrado.



(Larawan: Land Transportation Office - Philippines | Facebook)