Kevin Quiambao: Inspirasyon para sa Muntinlupa, La Salle, at Pilipinas
Systems Administrator Ipinost noong 2024-12-12 03:00:38
Muling pinatunayan ni Kevin Quiambao ang kanyang husay matapos niyang makamit ang back-to-back Most Valuable Player (MVP) award sa UAAP Season 87 men’s basketball noong Miyerkules, Disyembre 11, sa Mall of Asia Arena.
Sa edad na 23, ang pride ng Barangay Bayanan, Muntinlupa, ay nagningning sa liga matapos makapagtala ng 81.357 Statistical Points (SPs) sa kanyang 14-game average na 16.6 puntos, 8.6 rebounds, 4.1 assists, at 1 block. Sa taas na 6’7, naging simbolo ng versatility si Quiambao sa larangan ng basketball.
Dahil sa kanyang tagumpay, napabilang si Quiambao sa hanay ng mga alamat ng Philippine basketball tulad nina Allan Caidic, Arwind Santos, Bobby Ray Parks Jr., at Kiefer Ravena bilang back-to-back MVP winners.
Hindi rin nagpaiwan si Quiambao sa kasaysayan ng De La Salle University (DLSU), kung saan siya ay pumantay kina Jun Limpot, Mark Telan, Don Allado, at Ben Mbala bilang La Sallian MVP na nanalo ng sunud-sunod.
Bukod sa MVP trophy, pinangunahan din ni Quiambao ang UAAP Mythical Five kasama ang teammate niyang si Mike Phillips, at ang iba pang bituin ng liga tulad nina JD Cagulangan ng UP, Nic Cabanero ng UST, at Mo Konateh ng FEU.
Hindi lang sa UAAP nagniningning ang pangalan ni Quiambao. Kinilala rin siya ng Sangguniang Panlungsod ng Muntinlupa noong nakaraang taon sa pamamagitan ng isang resolusyon bilang ehemplo ng kahusayan at inspirasyon sa kabataan.
Ayon kay Quiambao sa isang interview, ang kanyang tagumpay ay hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kanyang bayan, unibersidad, at ang bansa. “Nakikita kong nai-inspire ang mga tao sa akin, at mas lalo akong ginaganahan na pagbutihin pa,” wika niya.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, patuloy na hinahasa ni Quiambao ang kanyang laro. Mula sa Riga, Latvia kasama ang Gilas Pilipinas, UAAP, hanggang sa mga liga ng barangay sa Muntinlupa, bitbit niya ang dedikasyon sa pagiging huwaran ng disiplina at talento.
Para sa Muntinlupa, De La Salle, at buong Pilipinas, si Kevin Quiambao ay tunay na isang MVP — hindi lamang sa basketball, kundi pati na rin sa puso ng bawat Pilipino.
Photo contributed by Ace Chavez