F1: Verstappen, haharapin ang McLaren sa makasaysayang Monaco Grand Prix
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-22 17:25:45
May 22 - Balik sa kumpiyansa si Max Verstappen matapos ang panalo sa Imola, ngunit haharap siya sa panibagong hamon sa iconic na Monaco Grand Prix kung saan bantang muli ang pormang McLaren.
Matapos ang kanyang ika-65 na panalo sa Formula One, lumapit si Verstappen sa tuktok ng drivers' standings — 22 puntos sa likod ni Oscar Piastri at siyam lamang mula kay Lando Norris. Sa harap ng mga mababagal at masisikip na kanto ng Monte Carlo, nananatiling hamon ang karera para sa reigning four-time world champion.
Bagamat itinuturing na “home race” para sa Dutch driver na may penthouse sa mismong lungsod, inamin niyang hindi naging madali ang Monaco sa kanila noong nakaraan. Noong 2024, nagtapos siya sa ikaanim habang isinulat ni Charles Leclerc ng Ferrari ang kasaysayan bilang kauna-unahang Monegasque na nagwagi sa sariling bayan.
Ngayong taon, ipinatupad ng FIA ang bagong two-stop rule para sa wet at dry races, dagdag-komplikasyon sa isang street circuit na kilala sa hirap mag-overtake. Dahil dito, inaasahang muling lalaban ang McLaren — nanalo na ng lima sa pitong karera ngayong season — sa pamumuno nina Piastri at Norris.
Ayon kay Helmut Marko ng Red Bull, bagamat epektibo ang mga update ng kanilang sasakyan sa Imola, ibang-iba ang Monaco: “Lahat ng kanto rito ay mabagal. Maaaring hindi ito pabor sa amin.”
Para kay Piastri, na isa sa pinakakonsistenteng driver ngayong taon, pagkakataon ito para makuha ang unang tagumpay sa Monaco. Nagtapos siya sa podium dito noong 2024 at nananatiling mahinahon ngunit tiwala: “Magandang karera ito para sa akin noong isang taon, kaya umaasa akong mas maganda pa ang kalalabasan ngayon.”
Muling lalaban din sina Norris at George Russell ng Mercedes, habang anim na rookie drivers, kabilang si Kimi Antonelli, ang unang beses na sasabak sa masikip na kalsada ng Monte Carlo.