Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA Playoffs: Haliburton, bumida sa triple-double; Pacers isang panalo na lang sa NBA Finals

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-05-28 22:26:18 NBA Playoffs: Haliburton, bumida sa triple-double; Pacers isang panalo na lang sa NBA Finals

May 28 - Nagtala ng makasaysayang triple-double si Tyrese Haliburton upang igiya ang Indiana Pacers sa 130-121 panalo kontra New York Knicks nitong Miyerkules (oras sa Maynila), isang tagumpay na naglapit sa kanila sa NBA Finals.

Umiskor si Haliburton ng 32 puntos, may 15 assists, at career-high na 12 rebounds — lahat ‘yan sa loob ng 38 minutong laro na walang kahit isang turnover. Siya ang kauna-unahang player sa NBA playoff history na nakagawa ng 30-15-10 stat line nang walang turnover.

Bunsod nito, hawak na ng Indiana ang 3-1 kalamangan sa best-of-seven Eastern Conference Finals.

"Aggressive lang ako. Gusto ko lang makabawi mula sa Game 3," ani Haliburton, na sinabing nadismaya siya sa pagkatalo nila sa nakaraang laro. "Malaking panalo ito para sa amin."

Sa Game 5 na gaganapin sa Biyernes (oras sa Maynila) sa Madison Square Garden, target ng Pacers na iselyo ang kanilang tiket sa Finals.

"Isang panalo na lang. Kailangan naming maging handa sa matinding crowd doon," dagdag ni Haliburton, na masayang ibinahaging nandoon na ulit ang kanyang ama matapos ang ban dahil sa isang insidente laban kay Giannis Antetokounmpo.

Nag-ambag din si Pascal Siakam ng 30 puntos at si Bennedict Mathurin ng 20 puntos mula sa bench para sa Indiana.

Sa panig ng Knicks, nanguna si Jalen Brunson na may 31 puntos, sinundan nina Karl-Anthony Towns na may 24 puntos at 12 rebounds, O.G. Anunoby na may 22 puntos, at Mikael Bridges na may 17.

Ang Pacers ay huling nakapasok sa NBA Finals noong taong 2000 at wala pa ring kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa. Samantala, huling sumampa sa Finals ang Knicks noong 1999 at huling naging kampeon noong 1973.

Hindi na muling pumayag ang Pacers na makabawi ang Knicks gaya ng nangyari sa Game 3. Mula sa 43-35 abante sa first quarter, pinanatili ng Indiana ang kontrol sa laro, at tuluyang isinara ito sa clutch plays nina Haliburton, Siakam, at Obi Toppin.