Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA: Zion Williamson, inireklamo ng panggagahasa sa LA civil case

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-05-31 15:42:51 NBA: Zion Williamson, inireklamo ng panggagahasa sa LA civil case

May 31 - Nahaharap ngayon sa kasong sibil si New Orleans Pelicans star Zion Williamson matapos siyang ireklamo ng panggagahasa ng isang babaeng nagngangalang Jane Doe sa Los Angeles Superior Court, base sa mga dokumentong isinapubliko nitong Sabado (oras sa Maynila).

Ayon sa demanda, dalawang beses umanong ginahasa ni Williamson si Jane Doe sa isang apartment sa Beverly Hills noong 2020. Idinagdag pa ng reklamo na hindi ito mga hiwalay na insidente, kundi bahagi umano ng paulit-ulit na pang-aabuso na tumagal hanggang 2023, na nangyari rin sa ibang estado gaya ng Louisiana at Texas.

Bukod sa rape, humihingi ang babae ng danyos para sa umano'y assault, sexual battery, domestic violence, burglary, stalking, at false imprisonment.

Mariin namang pinabulaanan ng kampo ni Williamson ang mga paratang. Ayon sa kanyang mga abogado, ang mga ito ay "walang katotohanan at mapanirang puri," at nagbabalak silang humingi ng bayad-danyos laban sa nagsampa ng kaso.

Sa reklamo, sinabing limang taon umanong naging magkarelasyon ang dalawa mula 2018 hanggang 2023, kung saan paulit-ulit daw na naging marahas, mapang-abuso, at mapanlikha ng takot si Williamson—mula sa sekswal, pisikal, emosyonal, hanggang sa pinansyal na aspeto.

Inakusahan din si Williamson ng mas mabibigat na paglabag gaya ng pananakal, pambubugbog, at pagtutok ng baril sa ulo ng biktima habang lasing o nasa impluwensiya umano ng cocaine.

Sa kabilang panig, iginiit ng kampo ni Williamson na hindi sila nagkaroon ng seryosong relasyon kundi isang "consensual, casual relationship" lamang. Ayon pa sa kanila, hindi agad nagsampa ng reklamo ang babae at nagsimula lang umano itong humingi ng milyon-milyong dolyar matapos ang kanilang ugnayan.

"Sinubukan naming i-report ang kanyang tangkang pangingikil sa mga awtoridad, at kumpiyansa kami na lilitaw ang katotohanan sa legal na proseso," ani ng legal team ni Williamson.