F1: Hamilton, nalungkot matapos makabangga ng groundhog sa Canada GP
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-16 14:20:55
June 16 - Labis ang panghihinayang ni Lewis Hamilton matapos niyang mabangga at mapatay ang isang groundhog habang kasagsagan ng Canadian Grand Prix, kung saan nagtapos siya sa ikaanim na puwesto.
Ayon sa pitong beses na Formula One world champion, hindi niya nakita ang hayop habang mabilis ang takbo ng kanyang Ferrari, ngunit naramdaman niya ang epekto nito sa pagganap ng kanyang sasakyan.
“Okay ang takbo ko noong una,” ani Hamilton. “Maganda ang simula ko, napanatili ko ang posisyon ko at nakasunod ako sa mga nasa unahan. Pero may narinig akong tama — sabi nila groundhog ang nabangga ko. Masakit iyon para sa akin dahil mahal ko ang mga hayop. Talagang nakakalungkot.”
Dagdag pa niya, nagkaroon ng butas sa kanang bahagi ng floor ng kanyang kotse bunsod ng banggaan, at sinundan pa ito ng problema sa preno at hindi napapanahong pit stop.
“Nagkaisa-isa ang problema. Pero nagpapasalamat ako na natapos ko pa rin ang karera,” ani Hamilton. “Kailangan talaga namin ng upgrade. Marami pang kailangang ayusin para makipagsabayan kami sa harapan.”
Ito ang ika-10 sunod na karera ni Hamilton na hindi nakakapag-podium ngayong season — ang pinakamatagal sa kanyang karera.
Samantala, nagtapos sa ikalimang puwesto si Charles Leclerc, ang kanyang kakampi sa Ferrari, sa kabila ng pagkapinsala sa kanyang sasakyan noong practice session.