Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA Finals: Haliburton, todo sakripisyo para sa Pacers sa Game 6 kontra Thunder

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-06-17 18:09:12 NBA Finals: Haliburton, todo sakripisyo para sa Pacers sa Game 6 kontra Thunder

June 17 - Nangako si Tyrese Haliburton na lalaban hanggang dulo para sa Indiana Pacers sa Game 6 ng NBA Finals laban sa Oklahoma City Thunder, kahit pa iniinda niya ang injury sa kanang binti na nakuha sa Game 2.

Sa kabila ng hirap sa paggalaw, bumalik pa rin si Haliburton sa second half ng Game 5 matapos pag-usapan nila ni Coach Rick Carlisle kung dapat ba siyang ipahinga.

"It's the Finals, man. I've worked my whole life to be here," ani Haliburton. "Kung kaya kong maglakad, lalaro ako."

Natalo ang Pacers sa Game 5 sa iskor na 120-109, dahilan para ang Thunder ay isang panalo na lang ang kailangan upang makuha ang kampeonato.

Sa pagbabalik ng serye sa Indianapolis sa Huwebes (Biyernes sa Pilipinas), sinabi ni Haliburton na iisa lang ang nasa isip nila — ang manalo.

"Parang Game 7 na ang Game 6 para sa amin," dagdag niya. "Kailangan naming lumaban na parang ito na ang huli naming laro."

Buo rin ang suporta ni Pascal Siakam sa kanyang teammate.

"He's a fighter. Isa siyang malaking dahilan kung bakit kami nandito. Hindi ko alam ang eksaktong kalagayan niya pero alam kong ibibigay niya lahat ng meron siya," pahayag ni Siakam.