Tennis: Swiatek binura si Anisimova — Wala man lang naka-isang game sa Wimbledon Final!
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-14 18:02:54
July 14 - Hindi nagpakita ng awa si Iga Swiatek matapos burahin si Amanda Anisimova, 6-0, 6-0, sa pinakamatinding pambabalasik sa isang Wimbledon women’s final sa nakalipas na 114 taon.
Tumagal lamang ng 57 minuto ang laban sa Centre Court kung saan ipinamalas ng Polish star ang walang mintis na galawan at bagsik ng kanyang forehand. Sa lakas ng kanyang performance, naging kauna-unahang babaeng kampeon ng Wimbledon na walang ipinatalong game sa final simula pa noong 1911 — panahon ni Dorothea Lambert Chambers.
Sa kasaysayan ng Open era, si Swiatek ay ikalawa lang na nakagawa ng ganitong pambubura sa Grand Slam final — una ay si Steffi Graf noong 1988 French Open kontra Natalia Zvereva.
“Parang hindi pa rin totoo. Hindi ko inasahang mangyayari ‘to,” ani ng 24-anyos na si Swiatek, na ngayon ay may anim na Grand Slam titles at unang Wimbledon crown ng Poland sa kasaysayan.
“Naaalala ko pa ‘yung tunog ng champagne sa gitna ng mga serve — baka ‘yon pa ang magpuyat sa akin,” pabirong dagdag ng tennis queen.
Hindi lang niya kinuha ang tropeo — sa buong torneo ay isang set lang ang kanyang nalaglag, at napatunayan niyang kayang-kaya rin niya ang grass court, dalawang linggo lang matapos niyang makarating sa final ng Bad Homburg.
Sa sunod na mga linggo, tiyak na pag-uusapan pa ang historic sweep na ito — isa sa mga pinaka-dominanteng performance sa Grand Slam finals ng modernong panahon.