Diskurso PH
Translate the website into your language:

Basketball: Paul George, sumailalim sa operasyon sa tuhod; muling ire-rebyu bago magsimula ang training camp

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-07-15 14:26:11 Basketball: Paul George, sumailalim sa operasyon sa tuhod; muling ire-rebyu bago magsimula ang training camp

July 15 - Sumailalim sa arthroscopic surgery sa kaliwang tuhod si Philadelphia 76ers forward Paul George nitong Lunes (Martes sa Maynila) matapos magka-injury sa isang workout.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Sixers, matagumpay ang isinagawang operasyon sa New York at agad na sisimulan ni George ang kanyang rehabilitasyon. Muling susuriin ang kanyang kondisyon bago magsimula ang training camp sa katapusan ng Setyembre.

Si George, 35-anyos, ay bagong salta sa Sixers ngayong taon matapos lumagda ng apat na taong kontrata na nagkakahalaga ng $212 milyon. Nakipagsanib-puwersa siya kina Joel Embiid at Tyrese Maxey upang subukang itaas muli ang antas ng koponan.

Gayunpaman, naging bangungot ang nakaraang season para sa Philadelphia matapos magtala ng 24-58 win-loss record — ang pinakamasamang kampanya ng prangkisa mula noong 2015-16.

Na-limitahan si George sa 41 laro lamang dulot ng sunod-sunod na injury kabilang ang knee bone bruise at adductor issues, at tuluyang ipina-pahinga noong Marso 17. Nagtala siya ng 16.2 puntos, 5.3 rebounds, at 4.3 assists kada laro.

Mas lalong napilayan ang Sixers dahil si Embiid ay naglaro lang ng 19 laro, habang 15 beses lang nagsama sa court ang trio nina George, Embiid, at Maxey.

Sa loob ng 15 season sa NBA, nagtala si George ng career averages na 20.6 puntos, 6.3 rebounds, 3.7 assists at 1.7 steals kada laro.