Diskurso PH
Translate the website into your language:

PBA Season 50 opisyal nang binuksan; Magnolia at Ginebra, nagtagisan sa “Manila Clasico” sa opening game

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-05 21:07:09 PBA Season 50 opisyal nang binuksan; Magnolia at Ginebra, nagtagisan sa “Manila Clasico” sa opening game

MANILA — Opisyal nang binuksan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang makasaysayang Season 50 nitong Linggo, Oktubre 5, 2025, sa Smart Araneta Coliseum, sa ilalim ng temang “Golden Legacy, New Era.”


At bilang pambungad na handog sa mga tagahanga, muling nagbanggaan sa entablado ng liga ang dalawang pinakapopular na koponan sa bansa — ang Magnolia Chicken Timplados Hotshots at Barangay Ginebra San Miguel — sa tinaguriang “Manila Clasico” na nagsimula ganap na alas-7:30 ng gabi, kasunod ng engrandeng opening ceremony ng liga.


Ang naturang sagupaan ay hindi lamang simpleng pagbubukas ng season, kundi isang makasaysayang yugto rin para kay LA Tenorio, dating team captain ng Ginebra at ngayon ay bagong head coach ng Magnolia.


Si Tenorio, isang walong beses na PBA champion, ay unang pagkakataong hahawak ng koponan sa ganitong kapasidad — laban pa mismo sa kanyang dating pamilya sa hardcourt.


Bagama’t nasa injury/reserve list pa rin si Tenorio, naging usap-usapan sa social media ang kanyang aktibong partisipasyon sa team practices, dahilan upang umugong ang balitang maaari siyang maglaro bilang playing coach.

“Kahit hindi pa siya ganap na bumabalik sa court, ramdam na agad ang presensya at liderato ni LA sa loob ng koponan,” ayon sa isang opisyal ng Magnolia.

Bilang karagdagang pwersa, pumirma rin sa Magnolia ang dating KBL player na si Javi Gomez de Liaño, na inaasahang magdadala ng kabataan, opensa, at matatag na shooting sa lineup ng Hotshots. Ang kombinasyon ng bagong liderato ni Tenorio at ang pagpasok ni Gomez de Liaño ay nagbibigay ng panibagong sigla at direksyon sa koponan matapos ang mabigat na kampanya noong nakaraang season.


Para sa Magnolia, ang laban kontra Ginebra ay higit pa sa simula ng bagong season — ito ay pahayag ng pagbabalik at pagtubos.


Samantala, para sa Barangay Ginebra, panibagong hamon ito upang patunayan na sila pa rin ang “Hari ng Kalsada,” kahit pa ang kanilang dating lider ay ngayo’y nasa kabilang panig na ng bench.


Ayon sa PBA Commissioner Willie Marcial, ang pagbubukas ng Season 50 ay simbolo ng patuloy na tagumpay ng liga.

“Limampung taon ng kasaysayan at inspirasyon — ngayon ay simula ng bagong panahon ng PBA,” ani Marcial sa kanyang talumpati sa pagbubukas.


larawan/philsport.ph