Diskurso PH
Translate the website into your language:

South Korea, ipagbabawal na ang paggamit ng selpon sa klase

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-28 22:07:01 South Korea, ipagbabawal na ang paggamit ng selpon sa klase

SEOUL — Ipinasa ng South Korea ang isang panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng mobile phones at smart devices sa lahat ng silid-aralan sa buong bansa, inanunsyo ng mga opisyal nitong Huwebes. Ang batas ay mag-uumpisang ipatupad sa Marso ng susunod na taon.

Bilang isa sa mga pinaka-“wired” na bansa sa mundo, matagal nang nakikipagbuno ang South Korea sa isyu ng smartphone addiction sa mga estudyante. Ayon sa Education Ministry, ipinagbabawal ang mga smartphone sa loob ng klase maliban na lamang kung gagamitin ito bilang assistive tools para sa mga estudyanteng may kapansanan o special education needs, o para sa mga lehitimong educational purposes.

Nilalayon ng bagong batas na magbigay ng legal na batayan upang “limitahan ang pagdadala at paggamit ng mga naturang devices para mapangalagaan ang karapatan ng mga estudyante na matuto at masuportahan ang mga guro sa kanilang pagtuturo.”

Ang panukala ay isinulong ni Cho Jung-hun ng oposisyong People Power Party, na nagsabing matagal nang “mainit na usapin” ang isyung ito dahil sa posibleng paglabag sa karapatang pantao. Subalit kamakailan, iniba ng National Human Rights Commission ang kanilang posisyon, iginiit na ang pagbabawal ay hindi lumalabag sa karapatan ng kabataan, bagkus ay nakatutulong upang mabawasan ang negatibong epekto ng labis na paggamit ng gadgets sa pagkatuto at emosyonal na kalusugan.

Gayunpaman, umani rin ito ng batikos mula sa Jinbo Party, grupo na nagsabing nililimitahan ng batas ang digital rights ng mga estudyante. Ayon sa kanila, ang hakbang na ito ay nagkakait sa kabataan ng pagkakataon na matutong gumawa ng responsableng desisyon at makaangkop sa digital environment.

Sa kabila ng pagtutol, naniniwala ang mga mambabatas na makatutulong ang bagong regulasyon upang mabawasan ang hidwaan sa lipunan at malinaw na magtakda ng patakaran sa paggamit ng gadgets sa paaralan. (Larawan: Google)