Parade of Saints, layuning ibalik ang tunay na kahulugan ng halloween
Robel A. Almoguerra  Ipinost noong 2025-10-27 23:23:44.jpg) 
            	PASIG — Sa ginanap na Parade of Saints sa Mary, Mother of Hope Chapel, ibinida ng mga batang lumahok ang kanilang mga kasuotan bilang mga santo at religious figures habang masiglang nagparada sa paligid ng kapilya.
Bitbit ng bawat kalahok ang kani-kanilang imahen ng pananampalataya, mula sa mga kasuotang kumakatawan kay San Pedro, Santa Teresa, at Santo Niño, hanggang sa mga modernong simbolo ng kabanalan.
Ayon kay Fr. Aris Sison, layunin ng naturang aktibidad na ibalik sa kamalayan ng mga bata at ng komunidad ang tunay na kahulugan ng Halloween.
“Ang Halloween kasi ay originally isang Christian feast, at ang ibig sabihin nito ay ‘All Hallows’ Eve,’ so ito talaga ang paggunita sa mga santo,” paliwanag ng pari.
Dagdag pa niya, sa halip na katatakutan at kasuotan ng mga multo, nais nilang ipakita sa mga kabataan na ang Halloween ay panahon ng paggunita sa kabanalan at kabayanihan ng mga santo bilang huwaran ng pananampalataya.
Ang aktibidad ay bahagi ng preparasyon para sa pagdiriwang ng All Saints’ Day sa Nobyembre 1. (Larawan: Sta. Clara de Montefalco Parish Church Pasig / Facebook)
