End of an Era: ‘One Piece’, magiging seasonal anime na simula 2026
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-29 22:19:59
MANILA — Matapos tumakbo nang tuloy-tuloy mula pa noong 1999, inanunsyo na lilipat na sa seasonal format ang One Piece anime simula taong 2026.
Ayon sa opisyal na pahayag, magpapahinga muna ng tatlong buwan ang serye mula Enero hanggang Marso 2026, bago ito muling magbalik sa Abril 2026 sa pamamagitan ng Elbaf Arc — isa sa pinaka-inaabangang bahagi ng kwento sa One Piece saga.
Bilang bahagi ng pagbabagong ito, lilipat din ang anime sa bagong production format kung saan maglalabas na lamang ito ng hanggang 26 episodes kada taon, na hahatiin sa dalawang bahagi. Layunin ng bagong sistema na mapabuti ang kalidad ng animation at mapagaan ang workload ng mga animator.
Maraming tagahanga ang sabik sa panibagong yugto ng One Piece habang papalapit na ang kwento sa mga huling arko nito. Sa kabila ng pansamantalang pahinga, umaasa ang mga manonood na mas magiging mataas pa ang kalidad ng serye sa pagbabalik nito sa 2026. (Larawan: Games Radar / Google)
