Helm pumalo sa Two Stars! Michelin kinilala ang 9 PH restos sa unang listahan
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-10-31 11:59:04 
            	MANILA — Isang makasaysayang araw para sa industriya ng pagkain sa Pilipinas matapos kilalanin ng Michelin Guide ang siyam na restawran sa bansa sa kanilang inaugural selection, kung saan isa ang ginawaran ng Two Michelin Stars at walo ang nakatanggap ng One Michelin Star.
Ang Michelin Guide, isang kilalang internasyonal na tagapagtasa ng mga restawran at hotel, ay opisyal na inilunsad ang 2026 Michelin Guide Selection para sa Pilipinas sa isang seremonya sa Manila Marriott Hotel sa Newport World Resorts noong Oktubre 30, 2025.
Pinangunahan ng Helm, isang fine dining restaurant sa Ayala Triangle Gardens sa Makati na pinamumunuan ng Filipino-British chef na si Josh Boutwood, ang listahan bilang kauna-unahang restawran sa bansa na ginawaran ng Two Michelin Stars. Ayon sa Michelin Guide, ang Helm ay kinilala para sa “its creative tasting menus that reflect the chef’s personal journey and mastery of technique”.
Samantala, walo pang restawran ang ginawaran ng One Michelin Star dahil sa kanilang kahusayan sa pagluluto at natatanging karanasan sa kainan. Kabilang sa mga ito ang:
- Asador Alfonso (Cavite)
- Celera Gallery by Chele
- Hapag
- Inato
- Kasa Palma
- Linamnam
- Metiz
- Toyo Eatery
Ayon kay Gwendal Poullennec, international director ng Michelin Guide, “The Philippines has a rich culinary heritage and a new generation of chefs who are redefining Filipino cuisine. We are proud to finally showcase their talent on the global stage”.
Sa parehong seremonya, binigyang-pugay din ni Department of Tourism Secretary Christina Frasco ang mga pinarangalang chef at restawran. Aniya, “This recognition is a testament to the world-class talent of our Filipino chefs and the richness of our culinary traditions. It is a proud moment for the Philippines”.
Ang mga Michelin inspectors ay kilala sa kanilang independiyenteng pagsusuri, kung saan sila ay kumakain nang incognito, nagbabayad ng kanilang sariling bill, at nagpapasya bilang isang team upang mapanatili ang integridad ng kanilang ratings.
Sa kabuuan, 108 restawran mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa gaya ng Manila, Cebu, Pampanga, Tagaytay, at Cavite ang isinama sa unang edisyon ng Michelin Guide Philippines, kabilang na ang mga binigyang parangal ng Michelin Star.
Ang pagkilalang ito ay inaasahang magpapalakas sa turismo at magbibigay-inspirasyon sa mga lokal na chef at negosyante sa industriya ng pagkain.
Larawan mula The Voice Newsweekly
