Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dating konsehal, trending matapos magpatayo ng sariling libingan kahit buhay pa

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-04 09:12:12 Dating konsehal, trending matapos magpatayo ng sariling libingan kahit buhay pa

PALAYAN CITY — Usap-usapan ngayon online ang litrato ni Bienvenido “Ben” Ramos, dating konsehal at matagal nang lingkod-bayan, matapos kumalat sa social media ang maaga niyang pagpapatayo ng sariling libingan kahit buhay pa siya.

Makikita sa larawang inilabas ng Palayan City DRRM Office ang maayos na nitso na may nakasulat nang “In Loving Memory of Bienvenido ‘Ben’ Ramos” kasama ang kanyang petsa ng kapanganakan. Kapansin-pansin na blangko ang bahagi kung saan karaniwang nakalalagay ang petsa ng pagpanaw.

Sa likuran ng nitso, nakapaskil ang isang tarpaulin na nagpapakita ng mahigit sampung taon niyang paglilingkod bilang konsehal at bilang executive assistant sa City Hall, bagay na nagpaalala sa marami kung gaano kalaki ang naging ambag ni Tata Ben sa komunidad.

Naghatid ng iba’t ibang reaksyon ang larawan. May mga netizens na natuwa at nagsabing “practical” at “advance mag-isip” daw ang dating opisyal dahil inihahanda na niya ang mga bagay na maaaring makaabala sa pamilya sa hinaharap. Meron ding nagbiro na baka raw “pinapatagal ng tadhana ang buhay” kapag handa na ang nitso.

Pero para sa iba, ang pagpapakitang ito ay pahiwatig ng kanyang pagiging bukas sa realidad ng buhay at tanda ng pagpapahalaga niya sa pamilya, dahil inaalis na niya ang posibleng alalahanin ng mga ito. Sabi ng isang netizen, “Kung ganyan ka ka-organize habang buhay pa, siguradong ganyan ka rin kasipag sa paglilingkod.”

Sa gitna ng mga biro at komento, nangingibabaw pa rin ang respeto ng mga taga-Palayan kay Ramos. Marami ang nagpahayag na anuman ang hitsura ng litrato, hindi mabubura ang imahe niya bilang isang mapagkalinga at tapat na public servant.

Patuloy namang kumakalat ang post, na para sa iba ay nakakatawa, ngunit para sa marami ay isang paalala na ang paghahanda ay bahagi rin ng malasakit sa pamilya—at na minsan, kahit ang sariling libingan, nagiging simbolo rin ng kababaang-loob at dedikasyon sa komunidad.

Larawan mula Palayan City DRRM Office