Diskurso PH
Translate the website into your language:

Palawan, bahagi ng Pilipinas: NHCP, pinabulaanan ang maling kasaysayan ng China

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-04 10:19:35 Palawan, bahagi ng Pilipinas: NHCP, pinabulaanan ang maling kasaysayan ng China

Manila, Philippines – Mariing kinondena at pinabulaanan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga lumalaganap na pahayag sa social media ng China na umano'y pag-aari ng China ang Palawan.

Naglabas ng pahayag ang NHCP noong Pebrero 28, 2025, upang itama ang maling impormasyon na nagsasabing dating bahagi ng China ang Palawan at dapat itong maibalik sa kanilang soberanya.

Ayon sa NHCP, ipinapakalat ng maling pahayag na ang Palawan ay pinamunuan ng China sa loob ng 1,000 taon at tinawag na "Zheng He Island" bilang parangal sa kilalang Chinese explorer na naglakbay sa Asya noong ika-14 hanggang ika-15 siglo.

Mariing itinanggi ng NHCP ang mga pahayag na ito, na nagsasabing, "There exists no evidence to support the settlement of a permanent Chinese population in Palawan, which has been continuously populated since 50,000 years ago through archaeological data."

Binigyang-diin ng NHCP na batay sa mga tala ng kasaysayan at ebidensyang arkeolohikal, bahagi na ng kapuluang Pilipinas ang Palawan mula pa noong unang panahon.

"The historical fact clearly and convincingly shows that the Philippines and its predecessor state actors have always exercised sovereignty over our archipelago and over Palawan in particular. No other state contests this fact," ayon sa NHCP.

Ipinunto rin ng NHCP na may matibay na ugnayang pangkultura ang mga sinaunang pamayanan sa Palawan sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Isa sa mga patunay nito ay ang pagkakaroon ng blood pact ng ilang lokal na lider sa mga manlalakbay tulad ni Antonio Pigafetta noong 1521.

Bilang karagdagang ebidensya, binanggit ng NHCP na ang mga lumang mapa mula sa mga European cartographer mula 1500s hanggang 1800s, gayundin ang 1898 Treaty of Paris at 1900 Treaty of Washington, ay malinaw na nagsasaad na bahagi ng Pilipinas ang Palawan. Iginiit din ng komisyon na wala ni isang bansa sa Timog-Silangang Asya ang nagbigay ng katulad na walang basehang pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas.

Nagpahayag naman ng pangamba si Josef Alec Geradila, miyembro ng NHCP Communication team, kaugnay ng posibleng epekto ng ganitong maling impormasyon sa pananaw ng publiko.

"By conditioning their public, conditioning yung mga citizens nila to slowly accept Palawan might be their territory they're forming a mindset na maging acceptable later on in the future biglang Palawan, mismong probinsiya ng Pilipinas mainland ike-claim na nila," ani Geradila.

Muling iginiit ng NHCP na ang isang paglalakbay sa isang teritoryo ay hindi nangangahulugan ng pag-aari nito, at ang pagiging tributaryo ng isang sinaunang kaharian ay hindi nangangahulugan ng soberanya sa kasalukuyang panahon.

Bilang dagdag na patunay, binanggit ng NHCP ang 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration, na nagdeklara na iligal ang Nine-Dash Line claims ng China sa South China Sea.

Lumabas ang pahayag ng NHCP sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing kaugnay ng mga sigalot sa teritoryo sa West Philippine Sea.

Nanawagan ang NHCP sa pandaigdigang komunidad na kilalanin at igalang ang soberanya ng Pilipinas sa mga teritoryo nito at labanan ang anumang walang batayang pahayag na maaaring magdulot ng destabilization sa rehiyon.

Image Courtesy of National Historical Commission of the Philippines (NHCP)