Diskurso PH
Translate the website into your language:

Julie Patidongan, sinampahan ng kasong rape ng umano'y ex-GF — ‘di daw pakawala ni Atong Ang

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-07 12:35:39 Julie Patidongan, sinampahan ng kasong rape ng umano'y ex-GF — ‘di daw pakawala ni Atong Ang

NOBYEMBRE 7, 2025 — Isang 21-anyos na babae ang nagsampa ng kasong kriminal laban kay Julie “Dondon” Patidongan, ang lalaking nagpakilalang whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero. Sa kanyang reklamo, inakusahan niya si Patidongan ng walong bilang ng rape, isang bilang ng sexual abuse, at isang bilang ng serious illegal detention.

Ayon kay Atty. Glessa Rose Janolino, isinampa ang mga kaso sa Laguna noong Agosto. Aniya, matagal nang gustong magsampa ng reklamo ang kanyang kliyente ngunit natakot ito dahil sa umano’y koneksyon at impluwensya ni Patidongan. 

“So, ngayon na nagkaroon na siya ng pagkakataon at ito ‘yong pagkakataon na ‘yon,” wika ni Janolino.

Ang mga umano’y pang-aabuso ay naganap mula 2021 hanggang 2023, sa panahon ng kanilang relasyon na nagsimula nang si “Nene” — palayaw ng biktima — ay 16 taong gulang pa lamang. Sa panahong iyon, dinala umano siya ni Patidongan sa isang apartment sa Pila, Laguna at sa isang farm sa Siniloan na pag-aari umano ni Charlie “Atong” Ang.

Ngunit giit ni Nene, wala siyang personal na ugnayan kay Ang. 

“Wala po,” sagot niya nang tanungin kung may kinalaman si Ang sa kanyang paglabas sa publiko. 

Nilinaw rin ni Nene na hindi kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero ang kanyang desisyon na magsalita. 

“Kaya po ako lumabas kasi po lagi po akong china-chat ng asawa niya. Naiinis na po ako. Eh, mamaya po, baka magalit po ‘yong asawa ko,” aniya. 

Ibinunyag ni Nene na may bago na siyang kinakasama at nanganak siya tatlong buwan na ang nakalipas. 

“Natatakot po ako,” umiiyak niyang pahayag.

Sa salaysay ni Nene, nagsimula ang kanilang ugnayan matapos siyang mapansin ni Patidongan sa TikTok. Pinangakuan umano siya ng bahay, sasakyan, tulong sa pag-aaral, at buwanang allowance na P50,000. 

“No’ng time po na ‘yon, depressed po ako, kaya parang nadala na lang po ako. Tapos may problema pa po kami sa family. Nagtiwala po ako sa kanya,” aniya. 

“Sixteen years old lang po ako no’n, at takot po kasi ako sa kanya kasi parang sa kanya lang po nakasalalay ‘yong buhay ko,” dagdag niya. 

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Atty. Manuel Ventura, abogado ni Patidongan, dahil hindi pa raw niya nakakausap ang kanyang kliyente.

(Larawan: Reddit)