Escudero, walang ari-arian sa Alphaland Baguio — developer
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-06 19:34:37
NOBYEMBRE 6, 2025 — Hindi pag-aari ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang alinmang bahay sa eksklusibong Alphaland Baguio Mountain Lodges (ABML), ayon sa developer nitong Alphaland Corporation.
Sa gitna ng mga kumakalat na espekulasyon online, nilinaw ni Alphaland president Dennis Valdes na walang nakalistang ari-arian sa ABML na nakapangalan kay Escudero o sa anumang kompanyang konektado sa kanya.
“We are able to confirm that there is no home listed as owned by Sen Chiz Escudero or any company associated with him,” aniya.
(Kumpirmado naming walang bahay sa ABML na nakapangalan kay Senador Chiz Escudero o sa anumang kompanyang may kaugnayan sa kanya.)
Bagamat hindi residente, kinumpirma ni Valdes na minsan nang naging bisita si Escudero sa naturang lugar, kasama ang kanyang asawang si Heart Evangelista.
“Mrs. Escudero, being a long time member of Alphaland Balesin Island Club, is allowed the privilege to use the facilities of ABML,” paliwanag niya.
(Bilang matagal nang miyembro ng Alphaland Balesin Island Club, may pribilehiyo si Gng. Escudero na gamitin ang pasilidad ng ABML.)
Sa opisyal na Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Escudero sa Senado, wala ring nakalistang ari-arian sa ABML. Ang mga deklaradong lupa’t bahay ay pawang minana at may zero acquisition cost.
Ang ABML ay isang 100-ektaryang bakod na komunidad sa Baguio na may mga fully furnished na lodge— m ula sa anim-na-kuwartong bahay hanggang sa A-frame na may apat na silid. Ayon sa website ng Alphaland, bawat unit ay may Japanese hot tub at sauna.
Sa pinakahuling SALN, nakasaad na P18.8 milyon ang net worth ni Escudero, dahilan para ituring siyang “pinakamahirap” sa mga senador. Sa kabilang banda, si Senador Mark Villar naman ang may pinakamalaking yaman na umabot sa P1.2 bilyon.
Walang pahayag si Escudero sa isyu sa oras ng pagsulat ng balitang ito.
(Larawan: Chiz Escudero | Facebook)
