Hazard pay, regular na trabaho isusulong ni Raffy Tulfo para sa MMDA field workers
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-06 20:18:05
NOBYEMBRE 6, 2025 — Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang pagbibigay ng hazard pay at regular na posisyon para sa mga traffic enforcer at street sweeper ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasunod ng kanyang pagbisita sa MMDA Command Center sa Pasig.
Sa isinagawang live anti-illegal parking operation sa 20th Avenue, Quezon City, ipinakita kay Tulfo ang paggamit ng body-worn cameras (BWCs) ng mga enforcer. Ayon sa MMDA, ang mga BWCs ay awtomatikong nagre-record mula sa paglabas sa docking station hanggang sa muling pagbalik dito, at hindi maaaring patayin habang ginagamit.
“Naririnig pati ‘yung usapan ng enforcer at ‘yung nahuli. Malaking bagay ‘yan sa ebidensya,” ani Tulfo.
Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Romando Artes na ang bawat unit ng BWC ay nagkakahalaga ng ₱68,000, habang ang buong sistema kasama ang monitoring at SIM subscription ay umaabot sa ₱300,000. Ginagamit ito para maiwasan ang “kotong” at mapanatili ang integridad ng operasyon.
Binigyang-diin ni Tulfo ang kalagayan ng mga field personnel ng MMDA na matagal nang naglilingkod ngunit nananatiling job order o casual employee.
“Hindi makatarungan na araw-araw silang nasa init, usok, at panganib pero wala silang benepisyo,” giit ng senador.
Kaugnay nito, nangako si Tulfo na ipaglalaban ang pag-amyenda sa Hazard Pay Law upang maisama ang mga MMDA enforcer at sweeper. Target din niyang itaas ang pondo ng ahensya sa susunod na deliberasyon sa Senado para makalikha ng mga regular na posisyon.
Sa kasalukuyan, ang mga enforcer ay nagbibigay ng notice of violation na nire-review sa Command Center. Kapag napatunayan, digital ticket ang iniisyu na maaaring bayaran online o sa mga bayad center — isang hakbang na layong bawasan ang korapsyon.
Sa mga susunod na linggo, inaasahang ihahain ni Tulfo ang panukalang batas para sa hazard pay at regularisasyon ng mga MMDA field workers.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
