Diskurso PH
Translate the website into your language:

NCDA nagbabala: Panggagaya sa PWDs sa TikTok paglabag sa batas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-07 08:39:28 NCDA nagbabala: Panggagaya sa PWDs sa TikTok paglabag sa batas

MANILA — Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko, lalo na sa mga social media users at influencers, na huwag gamitin ang kapansanan bilang paksa ng aliw o content sa mga online platform. 

Ang panawagan ay kasunod ng pagkalat ng “Emily Blind Prank” sa TikTok, kung saan ginagaya ng mga netizen — kabilang ang mga bata — ang pagiging bulag kapalit ng atensyon o gantimpala.

Sa isang pahayag, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, “The DSWD appeals to all social media users and influencers to exercise compassion and sensitivity in producing online content. Imitating persons with disabilities (PWDs) is already a form of mockery that reinforces disrespect and discrimination towards the concerned vulnerable group”.

Mariin ding kinondena ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang naturang trend, na anila’y lumalabag sa Republic Act No. 9442, ang batas na nagbabawal sa pampublikong panlilibak at panghihiya sa mga taong may kapansanan. 

Ayon sa NCDA, “These videos mock disability and violate Republic Act No. 9442, which bans public ridicule and humiliation of PWDs”.

Dagdag pa ni Dumlao, ang ganitong uri ng content ay hindi lamang nakasasakit kundi nagpapalaganap ng maling pananaw tungkol sa mga PWD. Aniya, “Under the whole-of-society approach, all sectors must work together to promote dignity, respect, and inclusion for persons with disabilities.”

Pinaalalahanan din ng DSWD ang publiko na may direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang mga programa para sa empowerment ng PWDs, kabilang ang access sa edukasyon, trabaho, at social protection.

Hinimok ng ahensya ang mga content creator na maging responsable at sensitibo sa paggawa ng mga video, at iwasan ang paggamit ng kapansanan bilang biro o gimik. Sa halip, dapat anilang gamitin ang social media upang itaguyod ang kamalayan at respeto para sa mga sektor na madalas na naisasantabi.