Diskurso PH
Translate the website into your language:

BIR, sinampahan ng kaso ang 3 ex-DPWH engineers; tax gap, nakakalulang P1.6B

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-06 19:16:41 BIR, sinampahan ng kaso ang 3 ex-DPWH engineers; tax gap, nakakalulang P1.6B

NOBYEMBRE 6, 2025 — Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng reklamong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa hindi nabayarang buwis na umabot sa P1.6 bilyon mula 2020 hanggang 2024.

Kabilang sa mga isinakdal sina dating district engineer Henry Alcantara at dating assistant district engineers Brice Ericson Hernandez at Jaypee Mendoza. Ayon sa BIR, lumabas sa lifestyle check at pagsusuri sa kanilang SALN na hindi tugma ang kanilang mga ari-arian at gastos sa idineklara nilang kita.

“Ico-compel natin sila na bayaran ‘yan at hahabulin din natin lahat ng mga ari-arian nila para masigurado na mabayaran ito,” pahayag ni BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr. 

Batay sa imbestigasyon, sangkot umano ang tatlo sa mga kuwestiyonableng flood control projects na ginamit para tumanggap ng kickback. Natuklasan din ng BIR na ginamit ang mga casino para ipasok ang pera — bumili sila ng casino chips na hindi maipaliwanag kung saan galing ang pondo.

“Dahil dito sa mga pagdinig, nakita naman natin na malaki ang ginagastos nila sa casino. So, itong daang-daang milyon, syempre saan din nanggaling ‘yan? So vinerify din natin at nakita natin na totoo nga, meron nga silang mga ginastos sa mga casino na mga ilang daang milyon,” dagdag ni Lumagui.

Bukod sa casino chips, nakabili rin umano ang mga dating opisyal ng mamahaling sasakyan, real estate, at iba pang personal na ari-arian na hindi tumutugma sa kanilang income tax returns.

Ang reklamo ay paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code, kaugnay ng Sections 24(A)(1)(a), 51(A)(1)(a), at 74(A).

Dagdag ni Lumagui, “Lahat ng mga involved, lahat ng na me-mention, lahat ng personalities ay iimbestigahan po natin.” 

(Larawan: Philippine News Agency)