Lacson: Zaldy Co puwedeng dumalo via Zoom sa Blue Ribbon hearing
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-07 08:39:29
MANILA — Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na maaaring dumalo si dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamamagitan ng Zoom, habang patuloy ang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
Sa isang forum sa Senado, sinabi ni Lacson na inimbitahan na si Co para sa pagdinig sa Nobyembre 14, kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“We will allow him to attend via Zoom if he’s abroad,” ani Lacson, bilang tugon sa ulat na si Co ay nasa Europe kasama ang kanyang mga executive assistants.
Kasama rin sa mga iimbitahan sa pagdinig si dating House Speaker Martin Romualdez, na nadawit sa testimonya ng dating security consultant ni Co na si Orly Guteza. Ayon kay Guteza, siya umano ang nagdala ng “basura” — salitang ginamit para sa mga bag ng pera — sa mga lokasyon na konektado sa ilang politiko.
Dagdag ni Lacson, layunin ng komite na makabuo ng matibay na kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno at kontratistang sangkot sa mga substandard o hindi umiiral na flood control projects. “We intend to uproot these and return them to the regular budget,” ani Lacson, kaugnay ng mga realignment sa 2026 national budget.
Ang pagdinig sa Nobyembre 14 ay inaasahang maglalantad ng karagdagang ebidensya at testimonya mula sa mga dating tauhan ni Co, kabilang si Guteza, upang mapalalim ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y malawakang katiwalian sa infrastructure spending.
