Malacañang: Karapatan ni Duterte protektado sa gitna ng ICC proceedings
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-12 12:51:23
Manila, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na igagalang ng gobyerno ang mga karapatan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte habang nagpapatuloy ang mga pagdinig sa International Criminal Court (ICC), kasunod ng kanyang pag-aresto at paglipat sa The Hague kaugnay ng kasong may kinalaman sa giyera kontra droga.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Palace spokesperson Clarissa "Claire" Angeles Castro na mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang kalagayan ni Duterte at nasa mabuting kondisyon ito, kasama ang kanyang mga pinagkakatiwalaang kasamahan.
"Sa ating pagkakaalam, sa huling ulat po sa atin, siya po ay nasa Dubai. At sa ngayon po naman po kasi ay nasa maganda naman po siyang kondisyon, meron po siyang kasama — yung preferred nurse niya po, may kasama rin po siyang abogado at kanyang preferred na security," ayon kay Castro.
Tinugunan din ni Castro ang mga pangamba ng anak ni Duterte na si Veronica "Kitty" Duterte tungkol sa kalagayan ng dating pangulo habang nililipat. "Kasi po sa post po ng kanyang daughter na si Kitty Duterte, parang eight hours. Eight hours daw pong biyahe, isang sandwich lang yung kanilang kinain. Aalamin po natin ang katotohanan po niyan," dagdag niya.
Nang tanungin kung magbibigay ng tulong legal ang gobyerno, binigyang-diin ni Castro na may proteksyon pa rin si Duterte sa ilalim ng batas ng Pilipinas, lalo na sa bisa ng Republic Act 9851.
"Meron man po tayong batas — ang RA 9851 — kung saan sinasabi po, kahit po ang dating Pangulong Duterte ay masasabi pong dapat na usigin or kailangan magkaroon ng hearing sa ICC, hindi naman din po papabayaan ng ating gobyerno, lalong-lalo na po kung ito ay tungkol sa kanyang karapatan," paliwanag niya.
Nilinaw rin ni Castro na hindi lamang para kay Duterte ang ganitong proteksyon kundi para sa lahat ng Pilipino na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa. "Sino man, kahit hindi po dating Pangulo, basta po Filipino, makakaasa po yan ng tulong sa ating pamahalaan," diin niya.
Pagdating sa tanong kung may opisyal nang hiling ang kampo ni Duterte para sa tulong mula sa gobyerno, sagot ni Castro, "Wala pa po kaming natatanggap na anumang report patungkol dyan."
Tungkol naman sa alegasyon na hindi naibigay kay Duterte ang wastong medikal na atensyon, sinabi ni Castro na hindi naman kinakailangan dalhin sa ospital ang dating pangulo dahil ayon sa mga doktor na kasama nito, hindi naman kritikal ang kanyang kondisyon.
"Kung ang nagsasabi naman po na doktor na nag-attend po sa kanya ay hindi naman po sinasabing critical ang kanyang kondisyon, hindi naman po kinakailangan siya idalhin sa ospital," dagdag ni Castro.
Nilinaw din niya ang implikasyon ng pagsuko ni Duterte sa ICC. Aniya, habang nagpapatuloy ang proseso sa pandaigdigang hukuman, tungkulin pa rin ng gobyerno na tiyakin ang proteksyon sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino.
"Ang ating gobyerno ay hindi po papayag na ma-deny ang kanyang karapatan. Sa ating batas, malinaw po na may karapatan pa rin siya bilang isang Pilipino," pagtitiyak ni Castro.
Samantala, ikinatuwa ng mga human rights groups gaya ng Commission on Human Rights (CHR) at Project Paghilom ang pag-aresto kay Duterte. Ayon sa CHR, "The pursuit of justice cannot be stalled. Every delay prolongs the suffering of those left behind. It bears repeating: the truth cannot be silenced. Accountability must prevail over impunity."
Binati rin ng Project Paghilom ang pag-aresto at tinawag itong isang tagumpay para sa hustisya, kasabay ng pagtutol sa alegasyon na inabuso si Duterte. "Sa mga nagsasabi na si Duterte ay inabuso, ito po. International Criminal Court, walang tao at bayan ang nagdidikta doon. Paano siya inabuso?"
Sinabi rin ni Human Rights Watch Deputy Asia Director Bryony Lau na ang pag-aresto kay Duterte ay isang “long overdue victory against impunity” at isang babala sa mga lumalabag sa karapatang pantao na maaari rin silang mapanagot.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag kung ano ang susunod na hakbang ng ICC kaugnay kay Duterte, ngunit sinabi ng gobyerno ng Pilipinas na patuloy nilang babantayan ang kaso at magbibigay ng kaukulang tulong alinsunod sa batas.