‘Utak adik’ — Mayor Isko, pananagutin ang mga nanggulo at nanira sa Maynila
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-22 00:26:21
MANILA — Tinuligsa ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga nanghasik ng gulo at nanira ng mga pampublikong ari-arian sa naganap na kilos-protesta sa Maynila nitong Linggo, Setyembre 21, 2025.
Sa isang pahayag, mariing kinondena ng alkalde ang mga mapanirang gawain ng ilang raliyista na aniya’y walang respeto sa batas at sa kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan. Tinawag niyang “utak adik” at “utak talangka” ang mga ito, at sinabing nagiging matapang lamang sila kapag nasa grupo.
“Hindi natin tatantanan ang mga yan. Kung may ipinaglalaban kayo, gawin niyo sa tamang paraan at hindi sa paninira. Hindi ito pagiging matapang, kundi pagiging duwag,” ani Mayor Isko.
Dagdag pa niya, nakahanda ang lokal na pamahalaan na habulin at papanagutin sa korte ang mga sangkot sa kaguluhan. Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) upang makilala at masampahan ng kaso ang mga responsable.
Samantala, nanawagan ang mayor sa publiko na huwag magpadala sa mga provokasyon at manatiling mapayapa ang pagpapahayag ng saloobin.
“Hindi natin ipinagbabawal ang karapatan sa protesta, pero huwag niyong gawing karahasan at paninira ang inyong ipinaglalaban,” dagdag pa ni Moreno. (Larawan: Isko Moreno Domagoso / Fb)