Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Fishball boy’ — Lalaking nakiisa sa rally, trending ngayon sa social media matapos ipaglaban na ibaba ang presyo ng fishball

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-22 01:01:36 ‘Fishball boy’ — Lalaking nakiisa sa rally, trending ngayon sa social media matapos ipaglaban na ibaba ang presyo ng fishball

MANILA — Naging instant viral sensation ang isang lalaking nakilala ngayon bilang “Fishball Boy” matapos ang kanyang panayam sa isinagawang rally kontra korapsyon sa Luneta nitong Setyembre 21, 2025.

Sa gitna ng mga seryosong panawagan ukol sa katiwalian at flood control project scam, naging comic relief ang lalaki nang sabihin niyang ang ipinaglalaban niya ay, “ibaba ang presyo ng fishball at kikiam.”

Mabilis itong kumalat online, at agad na naging paksa ng memes, edits, at mga nakakatuwang post. Para sa maraming netizens, nakakatawa man ang sinabi ni Fishball Boy, nagbigay rin ito ng mas malalim na punto: ramdam ng mga simpleng mamamayan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin — kahit pa sa pinakamaliit na bagay gaya ng fishball at kikiam.

Maraming nagkomento na siya ang “comic representative” ng masa, na bagama’t hindi tumutok sa malalaking isyu, ipinakita ang araw-araw na hinaing ng karaniwang Pilipino. “Real talk, fishball lang ’yan pero damang-dama natin ang hirap ng taas-presyo,” ani ng isang netizen.

Trending ngayon si Fishball Boy sa iba’t ibang social media platforms — isang paalala na kahit sa gitna ng matinding protesta, ang boses ng masa ay maaaring magmula sa simpleng gutom at pang-araw-araw na gastos. (Larawan: Facebook)