Traffic light na walang kinalaman sa korupsyon, sinira ng mga raliyista sa Recto!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-22 00:38:01
MANILA — Naging usap-usapan online ang isang insidente kung saan nasira ang isang traffic light sa may intersection ng Recto Avenue at Legarda Street nitong Linggo, September 21, 2025, sa gitna ng malawakang protesta laban sa korapsyon.
Sa isang kumakalat na video, makikitang ilang raliyista ang pilit na winawasak ang nasabing traffic light gamit ang kahoy at bato. Ang insidente ay nagdulot ng pagkaantala sa daloy ng trapiko at dagdag na panganib sa mga motorista at pedestrian sa lugar.
Mariing kinondena ng ilang netizens ang aksyon ng mga nagprotesta, iginiit nilang walang kinalaman sa isyu ng korapsyon ang pagwasak ng pampublikong pasilidad. “Pwede namang ipahayag ang hinaing nang hindi naninira ng ari-arian,” komento ng isang residente.
Samantala, nagpaalala ang Manila Police District (MPD) na may kaukulang parusa ang sinumang maninira ng ari-arian ng gobyerno at tiniyak na sisikapin nilang makilala ang mga nasa likod ng insidente.
Patuloy ang pagbabantay ng kapulisan upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan habang nagpapatuloy ang kilos-protesta sa lungsod. (Larawan: Louis Arcilla / Fb)