Grupo ni dating Pangulong Duterte na ‘Hakbang ng Maisug’, wala umanong kinalaman sa mga kaguluhang naganap sa rally
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-21 23:48:56
MANILA — Mariing nilinaw ng grupong Hakbang ng Maisug na wala silang kinalaman sa kaguluhang naganap kamakailan malapit sa Ayala Bridge at iba pang bahagi ng Metro Manila, kung saan namataan ang ilang mga naka-maskarang rallyista.
Sa isang pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng grupo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang-diin niyang hindi bahagi ng kanilang kasunduan ang anumang kaguluhan o marahas na kilos-protesta.
"Kung sino man ang mga nagpasimuno ng mga pagkilos malapit sa Ayala Bridge, pinapaalam ng Hakbang ng Maisug na hindi ito ang ating napagkasunduan at lalong hindi pinahihintulutan ang kahit sino sa hanay nito," pahayag ni Rodriguez.
Dagdag pa niya, malinaw na ang kanilang kilusan ay nakatuon sa maayos at mapayapang pamamaraan ng pagpapahayag ng saloobin, at hindi sila sang-ayon sa anumang gawain na maaaring magdulot ng takot o kaguluhan sa publiko.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang tukuyin kung sino ang nasa likod ng mga insidente ng kaguluhan na iniulat sa ilang bahagi ng Maynila. (Larawan: Wikipedia / Google)