Senado ipinacontempt ang Transational crimes envoy kaugnay sa pag-aresto kay Duterte
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-10 21:13:33
April 10, 2025 — Ipinacontempt ng Senate Committee on Foreign Relations si Special Envoy on Transnational Crimes Markus Lacanilao sa gitna ng pagdinig hinggil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Inaprubahan ang desisyon matapos tawagin ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na “very misleading” ang mga sagot ni Lacanilao.
Pinangunahan ni Senator Imee Marcos ang pagdinig, na nakatuon sa mga pangyayari sa likod ng pagsuko ni Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Nahaharap si Lacanilao sa matinding pagtatanong, dahil siya ang lumagda sa mga pangunahing dokumento na may kaugnayan sa paglipat ni Duterte. Ipinakita ni Marcos ang mga kopya ng "Transfer of Custody" at "Information on the Surrender and Transfer", na kapwa may pirma ni Lacanilao.
Ipinahayag ni Senator Marcos ang pagkadismaya:“Lahat tayo hindi alam ang dahilan kung bakit nung araw na ‘yun kinailangan talagang isakay at dalhin sa The Hague kahit may sakit, kahit may karapatang pumunta sa husgadong Pilipino, kahit hindi pa nakikita ang pamilya, ang doktor, ang abogadong pili.”
Ipinagtanggol ni Lacanilao ang kanyang naging papel: “I was there to oversee the smooth arrest of the former President,” at dagdag pa niya, “volunteered” lamang siya upang samahan si Duterte patungong The Hague dahil wala umanong valid passport ang mga kasamahan sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC).
Nagpahayag ng pag-aalala si Senator Alan Peter Cayetano kung bakit lumagda si Lacanilao sa Transfer of Custody bilang kinatawan ng pamahalaan ng Pilipinas, kahit sinasabi niyang kumikilos siya sa ilalim ng otoridad ng Interpol.
“Medyo mataas na ho kasi ‘yung ano nu’n eh, pagod na rin kami. Tapos ang request ng ICC staff that time… na kunin na ng medical team. Hindi ho kasi ma-perform ‘yung medical assistance [on] the former president eh. ‘Yun ang dahilan niyan,” paliwanag ni Lacanilao.
Nakiusap si Justice Secretary Boying Remulla na muling isaalang-alang ang mosyon, ngunit itinuloy pa rin ito ni Senator Marcos, sa pagsasabing mahalaga ang pananagutan.
Ito na ang ikatlong pagdinig ukol sa pag-aresto kay Duterte, kung saan dumalo na ang ilang opisyal ng ehekutibo matapos dati nilang gamitin ang executive privilege.
Image Courtesy of Civil Defense PH