Diskurso PH
Translate the website into your language:

5,000 mobile users, posibleng nasapol ng espiya sa may Comelec—NBI

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-05 21:35:11 5,000 mobile users, posibleng nasapol ng espiya sa may Comelec—NBI

Mayo 5, 2025 – Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaaring nakakuha ng access sa halos 5,000 mobile subscriber identities ang isang Chinese national na inaresto malapit sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila.

Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, gumagana ang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher sa oras ng pagkaka-aresto ng suspek. “It was confirmed by our technical intelligence that indeed [the IMSI catcher] was in full operations,” ani Lavin sa isang pagdinig sa Senado.

Nadiskubre ring nadala ang naturang surveillance device sa mga sensitibong lugar gaya ng Korte Suprema, Department of Justice, Villamor Air Base, Bureau of Internal Revenue, at mismong Comelec.

Nakilala ang suspek bilang si Tak Hoi Lao. Naaresto siya noong abril 29 at isinailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice kinabukasan. Nahaharap siya sa mga kaso sa ilalim ng Espionage Act, Cybercrime Prevention Act, at Data Privacy Act.

Bagamat may pangamba sa posibleng dayuhang panghihimasok, tiniyak ni Comelec Chairperson George Garcia na ligtas ang mga election-related systems. “We ran the test, nothing was compromised on any of our systems,” aniya.

Humihingi na ngayon ang NBI ng warrant upang masuri ang laman ng IMSI catcher at matukoy ang lawak ng posibleng paglabag. “We are fast-tracking the application and the examination. This takes precedence or priority over the other matters, considering the urgency of the event,” paliwanag ni Lavin.

Pinag-aaralan pa rin ng mga awtoridad kung bahagi si Lao ng mas malaking espionage network. Ayon sa NBI, ang naturang device ay nailipat sa iba’t ibang indibidwal na tila walang direktang koneksyon sa isa’t isa, na nagpapahiwatig ng isang maingat na naka-compartment na operasyon.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang antas ng banta sa pambansang seguridad.