Bagong SHS curriculum ipapilot sa 841 paaralan simula SY 2025
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-19 14:15:18
Mayo 19, 2025 — Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na 841 paaralan sa buong bansa ang kalahok sa pilot run ng binagong Senior High School (SHS) curriculum para sa School Year 2025–2026.
Ipinaliwanag ni Education Undersecretary Wilfredo Cabral sa briefing ng House Committee on Basic Education and Culture na unang itinakda ang 727 paaralang “highly ready” para sa trial.
Ngunit matapos ang mungkahi mula sa Senate Committee on Basic Education, napagpasyahan ng DepEd na isama ang mga moderately ready na private schools at mga paaralan sa kanayunan, kaya’t umabot sa 841 ang kabuuang bilang ng pilot schools.
“Nag-increase [it increased], Mr. Chair, because we looked at the moderately ready so that we can have several more schools implementing the senior high school from the rural and the urban, so that we can address more issues as we do the pilot and the study as well,” ani Cabral.
Ang 841 pilot schools ay katumbas ng 6.60% ng kabuuang 12,739 SHS schools sa bansa. Sa bilang na ito, 580 ay pampublikong paaralan at 261 ay pribado. 806 ay nasa urban areas habang 35 ay nasa rural areas.
Nakipagtulungan ang DepEd sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) para sa disenyo at pagpapatupad ng evaluation study para sa programa.
Magsasagawa rin ang ahensya ng training para sa mga guro mula Mayo 25 hanggang Hunyo 7, na sasaklaw sa mga larangang TechPro, agrikultura, pangingisda, sining, core subjects, at school leadership.
Isa sa mga pangunahing pagbabago sa revised SHS curriculum ay ang pagbawas ng core subjects mula 15 kada semester tungo sa limang full-year subjects sa Grade 11.
Kabilang sa mga bagong core subjects ang Mabisang Komunikasyon, Life Skills, General Mathematics, General Science, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino.
Binigyang-diin ng DepEd na mahigpit na babantayan ang pilot testing sa iba’t ibang antas ng pamahalaan upang masiguro ang maayos na implementasyon at magawa ang kinakailangang mga pagsasaayos bago ito ipatupad sa buong bansa.
Image from Win Gatchalian