₱3.5B na assets, ibinalik ng gobyerno sa kapatid ni Imelda Marcos ayon sa desisyon ng SC

MAYNILA, Pilipinas — Inatasan ng Sandiganbayan ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ibalik sa pamilya ni yumaong Benjamin “Kokoy” Romualdez ang ₱3.5 bilyong halaga ng dating sequestered assets, batay sa desisyong inilabas ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa pag-aangkin ng gobyerno sa mga ari-arian.
Sa 12-pahinang resolusyon na may petsang Mayo 16, 2025, iniutos ng Sixth Division ng Sandiganbayan na agad na i-release ng PCGG at iba pang ahensiya ang mga ari-arian, kabilang ang PCIBank shares (na ngayo’y bahagi ng Banco de Oro o BDO).
Ang utos ay bahagi ng Civil Case 0035, na isinampa ng gobyerno laban sa Trans Middle East Phils. Equities Inc. (TMEPEI), kumpanyang pagmamay-ari ni Romualdez. Ayon sa reklamo, ginamit umano ni Romualdez ang koneksiyon sa kanyang kapatid na si Imelda Marcos at kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang sapilitang makuha ang 6,299,177 shares sa PCIBank, gamit sina TMEPEI at Edilberto Narciso Jr. bilang diumano'y dummy buyers.
Ngunit sa desisyong inilabas ng Korte Suprema noong Hulyo 2022, sinabi nitong nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Sandiganbayan sa naging pasya nito noong 2003. Bagamat idineklara ng Sandiganbayan noon na walang bisa ang sequestration order ng 1986, ipinag-utos pa rin nitong ilagay sa escrow sa Land Bank ang mga asset.
Idineklara ng Korte Suprema na wala nang legal na batayan para sa Sandiganbayan na panatilihin ang kustodiya sa mga sequestered assets.
“In view of the Supreme Court’s Decision dated July 6, 2022, the Sandiganbayan can no longer retain legal custody over the previously sequestered assets,” ayon sa resolusyon ng korte.
Ginawang pinal at executory ang desisyon ng Supreme Court noong Oktubre 4, 2023, na nagbukas ng daan para sa tuluyang pagbawi ng pamilya Romualdez sa mga ari-arian.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang Executive Clerk of Court nito, ang PCGG, at ang BDO na magsumite ng ulat sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng resolusyon.
Si Kokoy Romualdez ay dating gobernador ng Leyte at embahador ng Pilipinas sa Estados Unidos. Pumanaw siya noong 2012 dahil sa cancer.