Fake TNVS agent nabbed over ₱2.3M scam
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-11 15:47:33
MANILA — Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking sangkot umano sa panloloko sa mga nais maging TNVS driver, matapos makapanloko ng hanggang ₱2.3 milyon sa pamamagitan ng pekeng activation scheme.
Naaresto si “Khart” sa isang entrapment operation ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP–HPG) sa Barangay Cembo, Taguig City nitong Lunes, Hunyo 9.
Nahuli siya matapos humingi ng karagdagang ₱35,000 mula sa isang biktima kapalit ng muling pag-activate ng na-deactivate na TNVS account.
Ayon kay PNP–HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, nagpapanggap ang suspek bilang agent ng isang malaking ride-hailing company. Naniningil siya ng ₱15,000 kada aplikante para sa provisional permit. Ngunit matapos ang isa hanggang dalawang linggo, nade-deactivate ang account at muli siyang nanghihingi ng dagdag na bayad para sa reactivation.
“One of his schemes is to introduce himself as an agent who will find clients. For ₱15,000, the driver is given a provisional permit… but after one to two weeks, the permit is suddenly deactivated,” ayon kay Malang.
Nakapagtala na ng higit 28 reklamo na may kabuuang lugi na aabot sa ₱1.5 milyon hanggang ₱2.3 milyon. Ayon sa ilang biktima, na-repossess pa ang kanilang mga sasakyan habang naghihintay ng activation.
Itinanggi ng suspek na siya ang utak ng modus at sinabing siya raw ay middleman lang, at ang pera umano ay ipinapasa sa contact niya sa loob ng TNVS company.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa kumpanya at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para siyasatin ang posibleng kasabwat.
“We are still targeting that he be tried for large-scale estafa,” dagdag ni Malang.
Naghahanda na ang mga biktima sa pagsasampa ng pormal na kaso, habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa iba pang posibleng reklamo.