Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pilipinas at New Zealand, palalawakin ang ugnayang pang-depensa sa ilalim ng SOVFA

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-08 16:50:45 Pilipinas at New Zealand, palalawakin ang ugnayang pang-depensa sa ilalim ng SOVFA

QUEZON CITY — Tinanggap ni Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro Jr. si Major General Robert Krushka, Commander ng Joint Forces ng New Zealand Defence Force (NZDF), sa isang courtesy call noong Hulyo 7, 2025 sa Department of National Defense upang pag-usapan ang pagpapalawak ng ugnayang pang-depensa sa ilalim ng Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA).

Batay sa pahayag ni Assistant Secretary Arsenio R. Andolong noong Hulyo 8, tinalakay ng dalawang opisyal ang mga isyung may kaugnayan sa seguridad sa rehiyon at mga oportunidad para sa kooperasyon, kasabay ng layunin ng administrasyong Marcos na palakasin ang internasyonal na defense partnerships ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Secretary Teodoro ang posibilidad ng mas malaking papel ng New Zealand sa mga gawaing pang-humanitarian assistance at disaster relief (HADR), gayundin sa mga pagsasanay sa ilalim ng quadrilateral cooperation framework kasama ang Pilipinas, Estados Unidos, Australia, at Japan.

“This could include participation in future iterations of both bilateral and multilateral military exercises,” ayon sa pahayag.

Kinumpirma ni Major General Krushka ang patuloy na suporta ng New Zealand sa Pilipinas at nagpahayag ng interes ng NZDF na tumulong sa pagsusulong ng mga layunin ng bansa sa seguridad sa pamamagitan ng logistics support, training, capacity building, at education exchanges sa pagitan ng dalawang sandatahang lakas.

Nagkasundo ang dalawang panig na buhayin muli ang mga bilateral mechanisms gaya ng Bilateral Defense Talks at Mutual Assistance Programme (MAP) Talks sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at NZDF upang makapagpatupad ng mga bagong inisyatibong pang-depensa at mapalalim pa ang kooperasyon sa mga susunod na taon.