Diskurso PH
Translate the website into your language:

Palasyo itinuro ang sunod-sunod na kalamidad sa pagtaas ng hunger rate

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-06 17:15:32 Palasyo itinuro ang sunod-sunod na kalamidad sa pagtaas ng hunger rate

MANILA — Itinuro ng Malacañang ang serye ng mga natural na kalamidad bilang pangunahing salik sa pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng gutom, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, “Huwag po natin kalimutan na sunud-sunod ang kalamidad na naranasan ng mga kababayan po natin — nakaapekto po ito sa patuloy po na pagtatrabaho ng ating pamahalaan, lalung-lalo na po ang DSWD, para po maipababa ang hunger rate ng bansa”.

Batay sa SWS survey na isinagawa mula Setyembre 24 hanggang 30, tumaas sa 22% ang porsyento ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan — mas mataas kumpara sa 16.1% noong Hunyo. Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adult respondents sa buong bansa.

Binigyang-diin ng Palasyo na patuloy ang pagtutok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga programang kontra-gutom, kabilang ang mga inisyatibo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gaya ng pamamahagi ng food packs, cash assistance, at pagpapatayo ng community kitchens sa mga apektadong lugar.

Dagdag pa ni Castro, “Ang mga kalamidad gaya ng bagyo, pagbaha, at landslide ay hindi lamang sumisira ng kabuhayan kundi nagpapabagal din sa distribusyon ng tulong at serbisyo sa mga komunidad.”

Samantala, nanawagan ang ilang sektor na palakasin pa ang mga long-term solutions sa food insecurity, tulad ng pagsuporta sa lokal na agrikultura, pagpapalawak ng access sa murang pagkain, at pagtitiyak ng climate-resilient infrastructure sa mga probinsyang madalas tamaan ng kalamidad.

Tiniyak ng Palasyo na patuloy ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang lalo pang pagtaas ng bilang ng mga nagugutom, lalo na sa mga rehiyong labis na naapektuhan ng Bagyong Tino at iba pang sakuna.