Unemployment bumaba sa 1.96M; underemployment tumaas sa 11.1%
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-06 17:15:33
MANILA — Bumaba sa 1.96 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Setyembre 2025, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas nitong Huwebes, Nobyembre 6. Mas mababa ito kumpara sa 2.03 milyon noong Agosto, ngunit bahagyang mas mataas kaysa sa 1.89 milyon na naitala noong Setyembre 2024.
Ayon kay PSA chief at national statistician Claire Dennis Mapa, “Ang unemployed persons o bilang ng nasa labor force na walang trabaho o negosyo nitong Setyembre ay nasa 1.96 million.”
Dagdag pa niya, “Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang bilang ng unemployed persons noong Setyembre 2024 na nasa 1.89 milyon, ngunit mas mababa naman kumpara sa Agosto 2025.”
Ang unemployment rate ay bumaba sa 3.8% mula sa 3.9% noong nakaraang buwan, habang ang employment rate ay umabot sa 96.2%, katumbas ng 49.6 milyong Pilipinong may trabaho. Ayon sa PSA, ang sektor ng serbisyo ang may pinakamalaking bahagi ng empleyo sa bansa na nasa 61.3%, sinundan ng agrikultura (20.9%) at industriya (17.8%).
Bagama’t bumaba ang bilang ng mga walang trabaho buwan-sa-buwan, iniulat ng PSA na tumaas ang underemployment rate sa 11.1%, mula sa 10.8% noong Agosto, na nangangahulugang maraming Pilipino ang may trabaho ngunit kulang ang kita o oras ng trabaho.
Sinabi ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na nananatiling matatag ang labor market ng bansa sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
“The Philippine labor market remained resilient in September 2025, with employment levels broadly stable and job quality improving despite ongoing global and domestic challenges,” ayon sa pahayag ng ahensya.
Patuloy ang panawagan ng mga labor groups na palakasin ang mga programa para sa decent work, livelihood support, at skills training, lalo na sa mga rehiyong may mataas na underemployment.
