Bagyong ‘Uwan’ papalakas; Super typhoon threat sa Bicol tumitindi
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-06 17:15:30
MANILA — Nagbabala ang Joint Typhoon Warning Center (JTWC) at ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang papalapit na bagyong “Uwan” ay may mataas na posibilidad na maging isang super typhoon habang nasa silangang bahagi ng Bicol Region ngayong weekend.
Ayon sa PAGASA, ang tropical cyclone na may international name na Fung-Wong ay huling namataan sa layong 1,715 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 km/h. Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 km/h at gustiness na umaabot sa 80 km/h. Inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga, at bibigyan ng lokal na pangalan na “Uwan”, ang ika-21 bagyo ngayong taon.
Sa advisory ng PAGASA, sinabi nitong “In terms of intensity, this tropical cyclone is forecast to intensify over the Philippine Sea throughout the forecast period. It may eventually reach typhoon category on Thursday (Nov. 6) and super typhoon during the weekend”.
Dagdag pa ni PAGASA Administrator Nathaniel Servando, “Ang chance of landfall ay maaaring sa Lunes sa Northern o Central Luzon, pero habang nasa silangan pa ito ng Bicol, posibleng maabot nito ang peak intensity bilang super typhoon”.
Samantala, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na naka-high alert na ang mga regional disaster units, lalo na sa Luzon. Ayon kay OCD Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, “Ang tinutumbok po ay Aurora–Tuguegarao, Cagayan area, pero ang rainband po niya, ang binabantayan namin kasi kung malaking sistema siya, buong Luzon po ang uulanin niyan”.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-monitor sa mga susunod na bulletin, lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng malalakas na ulan, hangin, at pagbaha. Posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa silangang bahagi ng Luzon at Samar provinces sa Sabado.
Ang JTWC ay patuloy ding nagmo-monitor sa galaw ng bagyo, at ayon sa kanilang modelo, posibleng maabot ni “Uwan” ang Category 5 super typhoon habang nasa Philippine Sea, bago ito tumama sa kalupaan.
Larawan mula PAGASA
