Marcos nagdeklara ng state of national calamity sa gitna ng pinsala ni Tino, banta ni Uwan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-06 19:14:37
NOBYEMBRE 6, 2025 — Nagdesisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklara ang state of national calamity matapos ang matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Tino sa Visayas at Mindanao, kasabay ng banta ng paparating na Bagyong Uwan na inaasahang tatama sa Luzon ngayong weekend.
Sa isinagawang situation briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo nitong Huwebes, inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng ahensya para sa deklarasyon. Ayon sa kanya, mahigit sampung rehiyon ang apektado o posibleng maapektuhan ng dalawang bagyo.
“Because of the scope of, shall we say, problem areas that have been hit by Tino and will be hit by (Typhoon) Uwan, there’s a proposal by the NDRRMC which I approve — that we will declare a national calamity,” pahayag ni Marcos.
(Dahil sa lawak ng mga lugar na tinamaan ng Tino at tatamaan pa ng Uwan, may mungkahi mula sa NDRRMC na aking inaprubahan — na magdeklara tayo ng pambansang kalamidad.)
Sa ilalim ng state of calamity, mas mabilis na makakagamit ng pondo ang mga ahensya ng gobyerno para sa relief operations, rehabilitasyon, at agarang pagbili ng mga kailangang serbisyo.
Batay sa ulat ng NDRRMC, umabot na sa 114 ang nasawi habang 127 pa ang nawawala sa pananalasa ng Tino. Pinakamalubha ang pinsala sa Regions VI, VII, VIII, MIMAROPA, at Negros Island Region.
Habang patuloy ang relief efforts sa mga nasalanta, pinaghahandaan na rin ng gobyerno ang pagdating ng Bagyong Uwan (international name: Fung-wong), na posibleng maging super typhoon pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility sa Sabado.
“Yung pinakamalaking problema na nakita namin is that ‘yung lahat ng personnel natin na nandoon ngayon sa Visayas para asikasuhin nga ang relief and support ng pamahalaan doon ay kailangan na natin pag-isipan kung ilan doon, kung sino doon ang puwede nang dalhin para paghandaan na ‘yung Uwan, which is going to hit Central and Northern Luzon, mukhang ang landfall sa Cagayan na naman,” sabi ni Marcos.
Inaasahang mararamdaman ang epekto ng Uwan simula Linggo ng umaga. Tiniyak ng Pangulo na sabay na tututukan ng pamahalaan ang pagtugon sa mga biktima ng Tino at paghahanda sa panibagong bagyo.
(Larawan: Presidential Communications Office)
