CA, nagpalabas ng ikapitong freeze order; frozen assets kaugnay ng flood scam, lumobo na sa P6.3B
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-06 12:25:05
NOBYEMBRE 6, 2025 — Lumobo pa ang bilang ng mga ari-ariang hawak ng pamahalaan kaugnay sa kontrobersyal na flood control projects matapos ipalabas ng Court of Appeals (CA) ang ikapitong freeze order sa ilalim ng imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon sa AMLC, mahigit P6.3 bilyong halaga ng assets ang isinailalim sa freeze order, kabilang ang 45 bagong real estate properties at 81 sasakyan — mula sa mamahaling kotse hanggang sa high-end na motorsiklo. Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagsisiyasat sa umano’y maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa kabuuan, sakop na ng freeze order ang:
- 1,671 bank accounts
- 58 insurance policies
- 244 motor vehicles
- 144 real estate properties
- 12 e-wallet accounts
“Tinitiyak naming hindi humihinto ang aming mga hakbang,” pahayag ni AMLC executive director Matthew David.
Ang sunod-sunod na freeze order ay indikasyon ng lumalalim na imbestigasyon sa sinasabing ghost projects at substandard na flood control infrastructure na pinondohan ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
(Larawan: Philippine News Agency)
