Cashless na sa MRT-3: GCash, card at phone tap puwede na
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-26 09:34:22
MANILA — Mas pinadali at pinabilis na ang biyahe ng mga commuter sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos opisyal na ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang cashless payment system nitong Biyernes, Hulyo 25. Sa bagong sistema, maaaring magbayad ng pamasahe gamit ang GCash QR code, debit o credit card, at NFC-enabled Android phones, nang hindi na kailangang pumila sa ticket counter.
Sa seremonya sa Ayala Station, pinangunahan ni DOTr Secretary Vince Dizon ang pagpapakilala ng sistema. “Walang dagdag sa pasahe dito. ‘Yung sistema, kung ano ang ikakaltas sa GCash n’yo, sa credit card n’yo, sa debit card n’yo, pareho lang kung bumili kayo ng single journey ticket,” ani Dizon habang ipinapakita kung paano gamitin ang GCash app sa turnstile.
Ang cashless system ay tinawag na “first of its kind in the world” dahil tumatanggap ito ng lahat ng uri ng payment modes—mula sa QR code hanggang sa EMV cards—sa iisang terminal. “First of its kind ito sa whole world. Halos lahat ng payment modes pwede in one device. Ito ang tinutulak sa atin ng Pangulo na gawing convenient ang travel experience,” dagdag pa ni Dizon.
Kasama sa mga katuwang ng DOTr sa proyekto ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Information and Communications Technology (DICT), LandBank, Visa, KentKart, at GCash. Ayon kay GCash CEO Renren Reyes, maaari ring gamitin ang “Tap to Pay” feature ng app para sa Android users, habang inaayos pa ang compatibility para sa iPhone users.
Sa parehong araw, inanunsyo rin ni DICT Secretary Henry Aguda ang pagkakaroon ng libreng Wi-Fi sa lahat ng MRT-3 stations bilang suporta sa cashless system. Target din ng ahensiya na magkaroon ng internet access sa loob ng mga tren upang mas mapadali ang paggamit ng digital payments.
Bagama’t hindi pa kasama sa sistema ang mga diskwento para sa estudyante, senior citizen, at PWD, tiniyak ni Dizon na inaayos na ito ng mga partner upang maisama sa cashless options sa lalong madaling panahon. “Unfortunately, as of now, you still have to buy a single-journey ticket, if you want to avail the discount,” paliwanag niya.
Inaasahan na susunod na rin ang LRT-1 at LRT-2 sa implementasyon ng cashless payment system sa mga susunod na buwan, katuwang ang RCBC at iba pang institusyon.