Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱20/kilong bigas, nationwide na ayon kay PBBM

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-29 09:37:29 ₱20/kilong bigas, nationwide na ayon kay PBBM

MANILA — Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nationwide rollout ng bigas na nagkakahalaga ng ₱20 kada kilo sa ilalim ng programang Benteng Bigas Meron Na! (BBM Na!), bilang bahagi ng kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28.

“Napatunayan na natin na kaya na natin ang bente pesos sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang ating mga magsasaka,” pahayag ng Pangulo. Ang BBM Na! program ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng administrasyon upang gawing abot-kaya ang pangunahing pagkain ng bawat Pilipino, habang pinapalakas ang lokal na produksyon ng agrikultura.

Sa kasalukuyan, ipinatutupad na ang programa sa 757 Kadiwa ng Pangulo (KNP) centers, pop-up stores, at accredited sites sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Ayon sa Department of Agriculture (DA), target nitong palawakin ang saklaw ng programa sa 1,500 Kadiwa sites bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos sa 2028.

Ang bigas na ibinebenta sa ilalim ng BBM Na! ay mula sa mga lokal na magsasaka, sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA). Sa ilalim ng Price Range Scheme (PRICERS), binibili ang palay sa presyong ₱17 kada kilo para sa fresh/wet palay at hanggang ₱24 kada kilo para sa clean/dry palay, mas mataas kumpara sa alok ng ilang pribadong traders.

Ang ₱20/kilong bigas ay eksklusibong ibinebenta sa mga miyembro ng vulnerable sectors, kabilang ang:

  • Senior citizens

  • Solo parents

  • Persons with disabilities (PWDs)

  • Minimum wage earners

  • 4Ps beneficiaries

  • Walang Gutom Program participants

Ayon sa DA, mahigit isang milyong Pilipino na ang nakinabang sa programa mula nang ito’y unang ilunsad noong Mayo.

Inilaan ng pamahalaan ang ₱113 bilyong pondo upang suportahan ang mga programa ng Department of Agriculture, kabilang ang BBM Na! rice initiative. Tiniyak ni Pangulong Marcos na ang ₱20/kilong bigas ay hindi lamang panandaliang solusyon, kundi isang sustainable na hakbang tungo sa food security.

“Our target is to serve 15 million households — or about 60 million people, around half the country’s population — by the end of 2026,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“This is more than just a rollout; it’s a commitment to our people,” dagdag ni DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra.