Sara Duterte: ‘pointless’ ang panawagang magbitiw si Marcos, dapat mag-drug test siya
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-15 23:09:34
OKTUBRE 15, 2025 — Hindi nananawagan si Vice President Sara Duterte ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit iginiit niyang dapat nitong harapin ang hamon na magpa-drug test — isang hamong matagal nang nakabimbin.
“That is a hanging, open challenge na hanggang ngayon, ayaw niyang gawin. Na sinasabi ko that is betrayal of public trust,” pahayag ni Duterte sa mga mamamahayag.
Sa gitna ng mga panawagan mula sa ilang grupo na bumaba sa puwesto si Marcos dahil sa mga alegasyon ng katiwalian sa mga flood control projects, sinabi ni Duterte na walang saysay ang ganitong panawagan.
“Hindi magre-resign yan. Nakita niyo ba yung tatay? Ilang years yung senior, 20 years? That is a pointless call ha. Tingnan niyo yung DNA. Ayaw niyang umalis ng puwesto,” aniya.
Sa halip na magbitiw, sinabi ni Duterte na dapat gampanan ni Marcos ang kanyang tungkulin bilang pangulo — isang bagay na, ayon sa kanya, ay hindi nito nagagawa.
“Marcos resign is a pointless call. That is why ako, I am asking him to do his job, of which of course, alam nating lahat na hindi niya ginagawa,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng Bise Presidente ang kahalagahan ng sakripisyo sa serbisyo publiko.
“If you are president or vice president, you consecrate yourself to the service of the nation. Ibig sabihin nun, ibibigay mo na ang sarili mo sa bayan. Ibig sabihin nun, yung katawan mo, hindi na ‘yan sayo, sa bayan na yan,” paliwanag niya.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang hamon para sa drug test habang patuloy ang mga panawagan sa pamahalaan na tugunan ang mga isyung kinakaharap nito.
(Larawan: Philippine News Agency)