Discayas, tikom na ang bibig sa flood control probe — ICI
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-15 16:42:02
MANILA — Kinumpirma ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hindi na makikipagtulungan sa kanilang imbestigasyon ang contractor couple na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects ng gobyerno.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Oktubre 15, sinabi ni ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka na “They invoked their right against self-incrimination and manifested that they will no longer cooperate with the investigation being conducted by the ICI.” Dagdag pa niya, “They [the Discayas] are now saying they will no longer appear before the commission and cooperate.”
Ayon kay Hosaka, inaasahan umano ng mag-asawa na makakakuha sila ng paborableng rekomendasyon bilang state witnesses kapalit ng kanilang kooperasyon. “They were thinking that when they cooperate before the ICI, they will be getting a favorable recommendation from the commission as state witness,” paliwanag ni Hosaka.
Ang desisyon ng Discaya couple ay dumating matapos ang kanilang ikatlong pagdalo sa closed-door hearings ng ICI sa Taguig. Si Curlee ay unang dumating sa ICI office bandang 12:50 p.m., habang si Sarah ay dumaan sa likurang pasukan upang iwasan ang media.
Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya ang Discaya couple matapos isiwalat ang umano’y mga ghost projects at overpricing sa flood control infrastructure sa ilang rehiyon. Sa mga naunang pagdinig, nagbigay sila ng “tell-all” testimonya na nagbunsod ng mas malalim na imbestigasyon ng ICI.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng Senado si Curlee Discaya habang patuloy ang pagbusisi ng mga ahensya ng gobyerno sa mga kontrata at transaksyon ng kanilang kumpanya. Ayon sa ICI, posibleng umabot sa ₱10 bilyon ang maaaring mabawi ng pamahalaan mula sa insurance claims kaugnay ng mga proyekto ng Discaya Construction.
Larawan mula sa ICI