Public trust kina Marcos at Duterte, lumaylay sa September SWS survey
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-15 16:42:05
MANILA — Bumaba ang tiwala ng publiko kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Setyembre 24–30, 2025.
Ayon sa resulta ng survey na iniulat ng Stratbase Group, nakakuha si Marcos ng “much trust” rating na 43%, mas mababa kumpara sa 48% noong Hunyo. Samantala, 36% ng mga respondent ang nagsabing may “little trust” sila sa Pangulo, habang 21% ay “undecided”.
Si Vice President Sara Duterte naman ay nakakuha ng 53% “much trust” rating, bumaba mula sa 61% noong Hunyo. May 28% ang nagsabing may “little trust” sila sa kanya, at 18% ang hindi tiyak sa kanilang pananaw.
Sa gitna ng pagbaba ng ratings, sinabi ni Duterte, “Hindi ako makapag-speculate kung ano ang rason,” bilang tugon sa mga tanong ukol sa pagbaba ng tiwala ng publiko sa kanya. Kasabay nito, nanawagan siya sa Pangulo na gampanan ang kanyang tungkulin sa gitna ng mga panawagang bumaba ito sa puwesto dahil sa mga alegasyon ng korupsiyon sa flood control projects.
Ayon kay Stratbase Group president Victor Andres Manhit, ang resulta ng survey ay indikasyon ng “shifting public mood” sa gitna ng mga isyu sa pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na patuloy ang pagsusumikap ni Marcos na labanan ang korupsiyon. “Ang Pangulong Marcos Jr. ay nakikita natin na tunay na nagtatrabaho at kumakalaban sa korapsyon. Walang humpay para umangat,” aniya.