Barzaga, nanawagan sa Kakampinks matapos pumalpak ang rally kontra Marcos
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-15 18:29:14
OKTUBRE 15, 2025 — Sa kabila ng matumal na turnout sa kanyang rally kontra Pangulong Ferdinand Marcos Jr., muling umapela si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa mga dating tagasuporta ni Leni Robredo — ang tinaguriang “Kakampinks.”
Sa isang Facebook post noong Oktubre 14, iginiit ni Barzaga na hindi kalaban ang mga pink at dilawan.
“The Pinks and Yellows are not our enemies,” aniya.
(Hindi kaaway ang mga Pink at Dilawan.)
Dagdag pa niya, mas magiging epektibo raw ang mga kilos-protesta kung ilalapit sa mga gated community gaya ng Forbes Park at Dasmariñas Village.
“They will become our allies once they also realize that the Trillion Peso March is inefficient and that more success can be found demonstrating at the gates of exclusive subdivisions like Forbes Park and Dasmariñas Village,” ani Barzaga.
(Magiging kakampi natin sila kapag naunawaan nilang hindi epektibo ang Trillion Peso March at mas may tagumpay kung sa harap ng mga eksklusibong subdivision gaya ng Forbes Park at Dasmariñas Village magprotesta.)
Ang “Kakampink” ay tumutukoy sa mga sumuporta kay Robredo noong 2022 presidential elections. Ironically, si Barzaga ay isa sa mga unang sumuporta sa kandidatura ni Robredo bago lumipat kay Marcos Jr. dahil umano sa “mas malaking tsansa” ng huli.
Ngayon, tila bumaligtad muli ang kongresista. Pinangunahan niya ang isang rally kontra Marcos sa Makati noong Oktubre 12, ngunit ayon sa mga ulat, kakaunti ang dumalo.
Kilala si Barzaga sa kanyang mga paandar sa social media, kabilang ang paggamit ng mga pusa bilang simbolo ng kanyang kampanya laban sa korapsyon.
Hindi pa malinaw kung papatulan ng mga Kakampink ang panawagan ni Barzaga. Sa kasalukuyan, nananatiling tahimik ang mga prominenteng personalidad mula sa pink movement.
(Larawan: Congressman Kiko Barzaga | Facebook)