Chiz Escudero, lagapak! Trust rating bumaba sa gitna ng P142B budget issue
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-31 09:12:57
MANILA — Bumaba ang tiwala ng publiko kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research na isinagawa mula Hulyo 12 hanggang Hulyo 17, 2025. Mula sa dating 55% trust rating noong Abril, lumagapak ito sa 51% ngayong Hulyo, indikasyon ng pagnipis ng suporta sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap niya.
Sa parehong survey, tumaas naman ang tiwala ng publiko kay House Speaker Martin Romualdez mula 54% patungong 57%. Nakakuha si Romualdez ng pinakamataas na rating sa Visayas (66%), samantalang si Escudero ay nakitaan ng pinakamalaking pagbaba sa Balance Luzon, na umabot sa siyam na porsiyento.
Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagbaba ng tiwala kay Escudero ay ang kontrobersiyal na alegasyon ng P142 bilyong “budget insertion” sa 2025 national budget. Noong Martes, mariin itong pinabulaanan ng Senate President. “Sabi nila, noong una 9 billion daw ‘yong sa Sorsogon, 12 billion daw ‘yong Bulacan. Sunod sinabi na 142 billion, sunod binura nila ‘yon, ginawang 150 billion. Alin ba talaga ang sasagutin ko doon?” tanong ni Escudero sa isang press conference.
Dagdag pa niya, “Grabe ang insinuation. Pag nag-amend ka, insert na agad? Illegal na agad? Bawal na agad? May kita na agad? Hindi naman siguro tama ‘yun.”
Aniya, bahagi ito ng isang “well-funded smear campaign” na layong hadlangan ang kanyang muling pagkakahalal bilang Senate President. “No single case has ever been filed against me in my 27 years in government,” giit ni Escudero.
Samantala, kinuwestiyon ng House spokesperson na si Atty. Princess Abante ang pahayag ni Escudero na ang Kamara ang nasa likod ng demolition job. “Bakit kami? Bakit kami ang may kasalanan? Bakit ‘pag may mga criticism sa kanya ay tinataasan niya ng kilay ang House of Representatives?” tanong ni Abante sa isang panayam.
Sa kabila ng kontrobersiya, nananatiling Senate President si Escudero matapos makuha ang boto ng 19 senador sa pagbubukas ng 20th Congress. “We should not and cannot bow to a mob. We will not be cowed by the shrillest of voices. We will stand up for what is right, what is just, and what is consistent with the Rule of Law and our Constitution,” saad ni Escudero sa kanyang talumpati.
Ayon sa OCTA Research, tumaas naman ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 64%, habang bumaba ang kay Vice President Sara Duterte sa 54%.