Gov. Baricuatro, namahagi ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Medellin, Cebu
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 23:02:35
CEBU — Naghatid ng ayuda si Cebu Governor Pamela Baricuatro sa bayan ng Medellin ngayong hapon para sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Northern Cebu noong Setyembre 30.
Bitbit ng gobernador ang food packs, bottled water, at iba pang relief items na agad ipinamigay sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng kalamidad. Ayon kay Gov. Baricuatro, hindi lamang Medellin ang makatatanggap ng tulong kundi lahat ng bayan sa hilagang bahagi ng Cebu na matinding tinamaan ng lindol.
Sa kanyang pagbisita, nakipag-usap ang gobernador sa mga residente na nagpahayag ng pangangailangan ng malalaking water tanks upang matugunan ang kakulangan sa malinis na inuming tubig. Tiniyak ni Gov. Baricuatro na ipagkakaloob ng Cebu Provincial Government ang nasabing kahilingan bilang bahagi ng agarang recovery efforts.
“Walang maiiwan. Sisiguraduhin ng ating administrasyon na bawat pamilya ay makakatanggap ng tulong at suporta,” pahayag ni Baricuatro.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang malakas na lindol ay nagkaroon ng epicenter sa 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City. Dahil sa pinsala, idineklara na sa ilalim ng state of calamity ang lungsod at karatig-bayan.
Patuloy ang relief operations at inaasahang magpapadala pa ng dagdag na ayuda ang kapitolyo sa mga susunod na araw. (Larawan: Cebu Province / Facebook)